Bayaning guro, tumatawid sa sirang tulay upang makapagturo

Imahe mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube
  • Kailangang tawirin ng gurong si Maribel Catalig ang isang tulay sa Kalinga upang maturuan ang mga mag-aaral na naghihintay sa kaniya
  • Nasira raw ang tulay dahil sa Bagyong Lawin noong 2016 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito naaayos
  • Ginawan na nila ito ng paraan sa pamamagitan ng paggamit ng mga kahoy at kawayan

Hindi alintana ng gurong si Maribel Catalig mula sa Kalinga ang panganib na nag-aamba sa pagtawid niya sa isang sirang tulay upang makarating sa paaralan kung saan siya nagtuturo.

Imahe mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Sa isang panayam sa Front Row, sinabi ni Catalig na nasira ang tulay dahil sa bagyong Lawin noong Oktubre 2016. Upang magamit pa ito ng mga taga roon ay sinubukan nila itong ayusin sa pamamagitan ng mga kahoy at kawayan.

“Nawala ‘yung tulay na bakal dati [dahil sa bagyong] Lawin, signal number 4 noon. Na-wash out yung tulay, natira ‘yung kable. Nilagyan ng kahoy, bamboo para may madaanan ‘yung mga tao,” sabi niya.

Aniya, kinakabahan siya sa tuwing dadaan sa tulay na may taas na 18 feet dahil bukod sa madulas ang ilang bahagi nito ay marupok na rin.

“Mabuti kung sa tubig ka babagsak pero kung sa dulo, bato na talaga ‘yun. Kung mag-iingat ka, [aabutin ng] mga 30 minutes especially kung may bag ka at laptop sa likod kasi ‘yung mga bakal p’wedeng masagi sa likod mo,” kuwento niya.

Imahe mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Sa kabila nito ay hindi mapipigilan ang guro na gampanan ang kaniyang tungkulin sa Bonong Elementary School kung saan nagtuturo siya sa Grade 2 at Grade 3. May 72 na mga estudyante raw doon na tinuturuan ng limang mga guro.

Ito ang unang assignment ni Catalig na tatlong taon nang naka-assign sa paaralan na iyon.

“Sayang naman kung walang magtuturo. Kung ‘di mo ishi-share ang knowledge,” sabi niya.

Hiling daw nila na sana ay maisaayos na ang tulay nang sa gayon ay hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga residente doon.

Calling LGU concerned! Sana po’y mabigyan na ito ng atensyon!

Source :

Front Row

Loading…