Biglaang pagtaas ng presyo ng medical face mask, posibleng pahintulutan na ng DTI

  • Biglaan ang pagtaas ng demand sa medical face mask sa merkado na naging sanhi upang magkaubusan ng supply nito
  • May ilang negosyante rin na halos triple ang itinakdang presyo kada piraso nito kung ikukumpara sa nakatakdang SRP
  • Gayunman, posible na raw pahintulutan ng DTI ang pagtaas ng presyo nito dulot na rin ng pagtaas ng presyo ng mga raw materials na ginagamit sa paggawa ng medical face mask

Isa sa mga pangangailangan ngayon ng mga Pilipino, partikular sa mga lugar na may kaso ng 2019 coronavirus (nCoV), ay ang medical face mask kung saan nagkakaubusan na ng supply. At sa tuwing magkakaubusan ng supply, ang presyo ay tumataas.

Imahe mula sa Wikipedia

Ayon sa CNN Philippines, maaaring pahintulutan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang biglaang pagtaas ng presyo ng medical face mask sa merkado.

Sa paliwanag ni DTI Secretary Ramon Lopez, ang kasalukuyang suggested retail price (SRP) ng disposable surgical face mask ay piso hanggang walong piso kada piraso ngunit posible na raw itong umabot hanggang ?16 kada piraso.

Binigyang-diin naman ni Lopez na ang pagtaas ng presyo ay dahil sa pagtaas ng presyo sa ibang bansa ng mga raw materials na ginagamit sa paggawa nito.

Unang tumaas ang demand ng produkto noong Enero dahil sa ashfall na dulot ng pagputok ng Bulkang Taal. Umabot ang ashfall sa mga kalapit na lalawigan ng Batangas at sa Metro Manila kaya maraming tao ang nangailangang gumamit nito.

Higit namang tumaas ang demand ng medical face mask sa paglaganap ng nCoV. Katunayan, agad na dinayo ng mga mamimili ang Bambang, Maynila na kilala sa mga tindahan ng mga medical supply nang maibalita ang ukol sa unang kaso ng virus sa lungsod.

Imahe mula sa Wikipedia/AlexChirkin

May mga negosyanteng sinamantala ang mataas na demand na ito kaya may ilang nagbebenta na higit sa triple ang tinaas na presyo.

Sa kabilang banda, may mga local manufacturers na ang nangako na tataasan nila ang produksiyon nila sa paggawa ng medical face mask.

Loading…