Bukal sa Kalinga, dahilan daw ng pagkakaroon ng maraming kambal doon

Imahe mula sa Facebook | KMJS
  • Usap-usapan ang isang bukal na matatagpuan sa Kalinga na dahilan daw ng pagkakaroon ng mga kambal ng mga mag-asawa doon
  • Naniniwala sila na kailangang sabay na maligo at uminom ng tubig na galing sa bukal ang mga mag-asawa upang bigyan sila ng kambal na anak
  • Ipinasuri ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang tubig mula sa bukal upang malaman kung may kinalaman ito sa pagkakaroon ng kambal na anak

Isang bukal sa Kalinga ang sinasabing dahilan daw ng pagkakaroon ng kambal na anak ng ilang mag-asawa roon.

Imahe mula sa Facebook | KMJS

Sa isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), pinuntahan nila ang lugar kung saan makikita ang Tiwod Spring upang malaman kung totoo ngang ang tubig mula rito ang sumasagot sa panalangin ng mga magulang na magkaroon ng kambal na anak.

Ayon sa mga taga roon, eepekto lamang ito kapag kasal na ang mga humihiling ng kambal. Kailangan din umano na sabay maligo at uminom ng tubig ang mag-asawa gamit ang tubig sa tubo na nanggagaling sa bundok.

Si Imelda Ammiyao at ang kaniyang asawa, sinunod daw ang paniniwalang ito. Matapos lamang ang tatlong buwan ay nagbuntis nga si Ammiyao ng kambal.

Ganito rin ang kuwento nina Imelda at Marcial Galling na lumapit sa bukal upang magkaroon ng anak na kambal. Wala raw kasi sa lahi nila ang pagkakaroon ng anak na kambal.

“Wala kaming lahi na kambal gusto ko magkaanak kasi 33 years old na ako nag-asawa,” sabi niya.

Itinuturing daw nilang biyaya ang mga anak na sina Jordan at Jerusalem.

Ayon kay Lubuagan Municipal Tourism Officer Ansherina Rose Odiem, sa Barangay Antonio Canao lang daw ay may 13 pamilya na may kambal.

“Most of the families, malalaki yung bilang or marami silang mga anak and they have twins. Based on our records, yung Barangay Antonio Canao alone, there are 13 families with twins,” sabi niya.

Imahe mula sa Facebook | KMJS

Ngunit nang ipasuri ng KMJS sa mga eksperto ang tubig na galing sa bukal, napag-alaman na wala raw nakitang kakaiba rito.

“Regarding po doon sa chemical components ng tubig, wala naman po kaming nakitang iba. Wala po siyang connection sa fertility or pagbubuntis,” sabi ng microbiological laboratory analyst na si Jamaica Calagui.

Kinumpirma ito ng obstetrician gynecologist na si Dr. Christopher Soriano at sinabing maaaring nasa lahi raw ng mga tagaroon ang kambal.

“Base sa analysis sa tubig mukhang walang chance o pagkakataon na puwedeng ito ang maging dahilan ng pagbubutis ng twins o kambal,” sabi niya.

Well, kanya-kanyang paniniwala man sila, ang mahalaga ay masaya sila sa kanilang mga ‘wish granted’ na buhay pamilya.

Source :

KMJS

Loading…