Coco Martin, nag-aalala para sa mga artista ng Ang Probinsyano sakaling makansela ang prangkisa ng ABS-CBN

Imahe mula sa Instagram | Coco Martin
  • Naglabas ng saloobin si Coco Martin tungkol sa isyu sa prangkisa na kinakaharap ng ABS-CBN
  • Ayon sa kaniya, maraming natutulungan ang network na mga empleyado at maging mga biktima ng sakuna
  • Humingi siya ng panalangin upang mapukaw raw ang pus0 at isip ng mga nagnanais na maipasara sila

Nagpahayag ang Kapamilya actor na si Coco Martin ng pag-aalala para sa mga kasamahang artista, lalo na iyong mga nasa “Ang Probinsyano”, kung sakaling hindi mare-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Imahe mula sa Instagram | Coco Martin

Sa isang mahabang Instagram post ay inilabas ng aktor ang kaniyang saloobin tungkol sa kinakaharap na isyu ng kaniyang network matapos mag-file ng quo warranto petition si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema.

Sinimulan niya ito sa pagsasabing malaki ang kaniyang utang na loob sa network dahil natupad niya ang kaniyang mga pangarap para sa sarili at sa kaniyang pamilya.

Bukod sa kaniya, marami rin daw iba pang nabigyan ng magandang oportunidad. “Dahil sa ABS-CBN, napakaraming tao at pamilya na nabigyan ng oportunidad na magkaroon ng maayos na buhay,” sabi niya.

Sa pamamagitan daw ng teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano ay maraming nabigyan ng ikalawang pagkakataon upang makabalik sa industriya. “Nabigyan muli ng trabaho, lalo na ang mga artista na nawalan ng pag-asa na muling makita sa telebisyon. Nagkaroon ulit sila ng pagkakataon para kumita at ituloy muli ang kanilang mga pangarap,” sabi niya.

Dagdag pa niya, nasa 11,000 na mga empleyado, kabilang siya, ang mawawalan ng trabaho. “Paano na po ang aking pamilya at ang mga pamilya ng lahat ng nagtatrabaho sa kompanyang ito? Dito po kami umaasa ng aming ikabubuhay,” saad pa niya.

Imahe mula sa Instagram | Coco Martin

Bukod sa mga empleyado ng network ay marami rin daw natutulungan ang ABS-CBN sa pamamagitan ng charity events at relief operations na ginagawa nila sa tuwing may sakuna.

“[A]ko mismo ang nakasaksi kung gaano kabuti ang hangarin ng ABS-CBN upang makatulong sa lahat ng mga Pilipino. Hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko kung mawawala ang ABS-CBN na naging malaking bahagi ng aking buhay,” sabi niya.

Sa huli ay humingi ng panalangin si Coco.

“Sana po tulungan ninyo kami na ipanalangin na mapukaw ang pus0 at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang istasyon na tumutulong nang malaki sa maraming buhay!”

Source :

Instagram

Loading…