Cute na anak ni Rochelle Pangilinan bilang ‘Baby Agane’ ng Encantadia, nagbigay ng ngiti sa netizens

  • Trending sa social media ang cute na picture ng anak ni Rochelle Pangilinan
  • Nakasuot kasi ito ng costume ni Agane, ang iconic role ni Rochelle sa Encantadia 2016
  • Pinaghahandaan na ngayon ni Rochelle ang tatlong costumes sa 1st birthday ng anak

Naging makulay ang karera ni Rochelle Pangilinan sa showbiz. Mula sa pagiging backup dancer ng Eat Bulaga, sumikat ang grupo nilang Sexb0mb Girls at nagkaroon ng sariling album, teleserye, at mga pelikula. Nang magsolo, naging matagumpay din si Rochelle bilang aktres at performer.

Isa sa mga tumatak na role niya ay ang papel na Agane mula sa top rating show na Encantadia 2016. Marami ang nainis sa kontrabida role ni Rochelle na talaga namang nagpahirap sa mga bidang diwata ng GMA fantaserye.

Larawan mula sa Instagram account ni Rochelle Pangilinan

At ngayong isa nang ina, hindi nakalimutan ni Rochelle na ‘ipamana’ sa kanyang anak ang trono bilang isang babaeng mandirigma mula sa mundo ng Encantadia. In-upload ni Rochelle ang larawan ng anak na si Shiloh suot ang costume ni Agane bilang pagdiriwang ng ika-11 buwan nito.

Pahayag ni Rochelle sa kanyang guesting sa Mars Pa More, nasa sinapupunan pa lamang daw niya ang anak ay talagang plano na niyang suotan ito ng costume na Agane kapag umabot na ito sa ika-11 buwan o bago mag-isang taon.

Sinabi rin ni Rochelle na ang production team na gumawa ng costume nila sa Encantadia mismo ang gumawa ng mini-me version ng kanyang Agane warrior outfit. Nakahanda na rin ang costume ni Baby Shiloh sa kanyang unang birthday na tatlong gowns daw.

Sa sobrang cute ng larawan ng anak ni Rochelle, agad na umani ng halos 50,000 likes ang kanyang Instagram post. Napakomento rin ang direktor ng Encantadia na si Direk Mark Reyes at sinabing approved daw ni Emre o ang Bathala ng mga diwata ang costume niya.

Larawan mula sa Instagram account ni Rochelle Pangilinan

Biro din ni Rochelle, kapag daw nakikita na siya ng kanyang asawang si Arthur Solinap na may hawak na tape measure at sinusukatan si Baby Shiloh, batid na raw nito ang plano para sa anak at may pagkakagastusan na naman daw sila.

Gayunman, masaya naman daw sina Rochelle at Arthur na sa murang edad ng kanilang anak ay marami na itong napapasaya dahil sa binibihisan nila ito buwan-buwan ng mga kakaibang costume.

Loading…