Dating Kapuso singer na si Lovely Embuscado, palaboy na lang ngayon? Sinaklolohan ng GMA Network

  • Namataang palaboy-laboy ang dating Kapuso singer na si Lovely Embuscado
  • Nawalan na raw sila ng tahanan at nabaon sa utang simula nang mawalan ng proyekto
  • Napabalita na ring sinaklolohan na ng GMA Network ang kanilang dating talent

Ang pagsali sa isang singing contest ang naging dahilan para sa iba nating kababayan upang matamasa ang tagumpay. Marami ang kumikita na nang maayos dahil sa kanilang talento sa pagkanta at kabilang na sa mga tinitingalang performers ng bansa.

Ngunit hindi ganito ang naging kapalaran ng dating contestant ng GMA Network reality singing show na Protégé: Battle for the Big Break na si Lovely Embuscado. Matapos kasi ang ilang taong pagiging isang Kapuso talent, natagpuan ngayon ang singer na palaboy-laboy na lamang.

Larawan mula sa YouTube

Napaulat sa website na PEP na namataan daw nila si Lovely sa isang kalye sa Quezon City. Nakapanayam nila ang ina ni Lovely na si Daisy at sinabi nitong sa kalye na lamang sila natutulog at nanghihingi na lamang sila ng pagkain sa simbahan.

Tila hindi na rin daw kinaya ni Lovely ang hindi magandang kapalaran nila kaya tila naging malulungkutin ito at paiba-iba ang emosyon. Sa isang YouTube video nga na in-upload ng kolumnistang si Jojo Gabinete, habang kinakausap niya si Lovely ay bigla na lamang itong napaluha.

SImula raw nang mawalan ng trabaho si Lovely noong 2014 ay nabaon na sila sa utang at hindi na raw nakabangon. Napalayas na rin sila sa bahay na tinitirahan nila sa Tondo kaya ngayon ay palaboy-laboy na lamang sila.

Noong 2017 din, nag-viral sa YouTube ang performance ni Lovely sa isang videoke-han na kuha ng isang netizen. Sinabi ng uploader na noon pa lamang ay hindi na maganda ang lagay ni Lovely. Nagpagala-gala na lang daw ito sa kanilang lugar.

Larawan mula sa YouTube

Dahil nabalitaan ng GMA ang nangyari sa kanilang dating talent, kinukupkop na raw nila ngayon si Lovely at ang pamilya nito sa pangunguna ng GMA Kapuso Foundation. Nagpaabot din umano ng intensyong tumulong si Krizza Neri, ang grand winner ng Protégé season 1.

Sumali si Lovely noong 2011 sa Protégé at napasama naman sa top 3. Ang naging mentor niya ay ang Queen of Soul na si Jaya. Naging GMA artist siya simula 2011 hanggang noong 2014 at huling napanood sa seryeng The Half Sisters.

Hangad namin ang iyong muling pagbangon, Lovely!

Panoorin ang panayam ni Jojo Gabinete kay Lovely at sa kanyang ina.

Source :

YouTube, PEP

Loading…