Dating love team na sina Kris Bernal at Aljur Abrenica, nagkitang muli; fans kinilig

  • Muling nagkita ang dating magkatambal na sina Aljur Abrenica at Kris Bernal
  • Nagkumustahan ang dalawa at nagpalitan ng congratulations dahil sa kanilang mga achievement
  • Maraming fans naman ang kinilig at sinabing bagay pa rin ang dalawa hanggang ngayon

“Two old friends meet again….Wearin’ older faces. And talk about the places they’ve been…” napakanta ka rin ba?

Maraming tambalan ang nabuo sa mga reality show na ipinalabas sa telebisyon. Ang ilan sa kanila ay nagkataluyan habang ang iba ay nanatili na lamang magkatambal at mabuting magkaibigan sa pagdaan ng panahon.

Ganito ang pinatunayan ng StarStruck Batch 4 Ultimate Survivors na sina Kris Bernal at Aljur Abrenica. Mula sa tagumpay nila sa sinalihang reality show, nasundan pa sila ng iba’t ibang proyekto na pumatok naman sa mga manonood.

Larawan mula sa Instagram account ni Kris Bernal

Ngayon, may kanya-kanyang landas na sina Kris at Aljur at nasa magkaibang television network na rin. Gayunman, nagkaroon ng maliit na reunion ang dating magkatambal na sina Aljur at Kris nang magkita sa isang gym.

Ibinahagi ni Kris sa kanyang Instagram account ang maikling video ng kumustahan nila ni Aljur.

Bungad ni Aljur sa video ni Kris ay ang pag-congratulate sa mabuting kaibigan at dating l0ve team na bagong engaged lamang.

Sunod namang binati ni Kris si Aljur dahil sa bagong silang na anak nila ng isa pang Kapuso actress na si Kylie Padilla. Dahil sa kumustahan nila, nasabi ni Kris na ang dating teen idols ay matatanda na ngayon na sinabayan nila ng tawanan.

“Me, congratulating him for his newb0rn prince. Him, congratulating me on my engagement and made a promise that he’ll go to my wedding. We, getting old,” sabi ni Kris sa kanyang viral Instagram post.

Bago matapos ang video, inimbitahan ni Kris si Aljur na pumunta sa kanyang kasal. Agad naman umoo ang ngayo’y Kapamilya actor na si Aljur at sinabing isasama sina Kylie at ang kanilang dalawang anak.

Larawan mula sa Instagram account ni Kris Bernal

Marami namang fans ang kinilig sa video na ito ni Kris. Umabot na sa higit 235,000 views ang video ng dalawang StarStruck graduate. Ayon sa kanilang fans, kahit matagal na ang huling proyekto ng AlKris na magkasama, hanggang ngayon ay may chemistry pa rin sila.

“Nakakakilig pa rin silang dalawa. Bagay! Lalo na nung idikit ni Aj ang ulo niya kay Kris! Kaso magkaiba na sila ng station ngayon,” sabi ng isang fan ng tambalan.

Panoorin ang kumustahan nina Aljur at Kris:

Loading…