Dennis Trillo, makakatambal sina Alice Dixson, Megan Young, at Bianca Umali sa isang serye tungkol sa mga Maranao

  • Tatlo ang leading ladies ni Dennis Trillo sa kanyang bagong teleserye na tungkol sa mga katutubong Maranao
  • Ito ay sina Alice Dixson, Megan Young, at Bianca Umali na gaganap bilang tatlong asawa niya
  • Excited ang tatlo sa bago nilang proyekto dahil ipakikita raw nito ang makulay na kultura ng mga Maranao

Patuloy na ipapakita ng GMA Network ang ganda ng ating kultura at kasaysayan sa kanilang mga teleserye. Matapos ang mga epic serye na Amaya, Indio, Ilustrado, at Sahaya, gagawa naman ngayon ang Kapuso network ng teledrama na tungkol naman sa pamumuhay ng mga katutubong Maranao.

Pagbibidahan ng Kapuso drama king na si Dennis Trillo ang drama series na may working title na Legal Wives. Ito ay tungkol sa kultura ng mga Maranao mula sa Lanao na mag-asawa ang isang mayamang lalaki ng kahit ilang babae na nais niya.

Larawan mula sa Instagram post ni Alice Dixson

Tatlo ang magiging asawa ni Dennis sa nasabing serye. Ang gaganap bilang unang asawa ni Dennis ay ang beteranang aktres at beauty queen na si Alice Dixson. Ito ang unang full length series ni Alice sa GMA Network simula nang magbalik siya bilang Kapuso.

Ayon kay Alice, tinanggap niya ang proyekto dahil isa ito sa mga pinakakakaibang TV series na gagawin niya sa kanyang karera. Maliban daw kasi sa heavy drama ang kanilang proyekto, makikita rin daw dito ang ibang kultura ng mga Pilipino.

Ikalawang asawa naman ni Dennis sa serye ang Miss World 2013 na si Megan Young. Gaganap siya bilang isang Katolikong babae na mahuhulog ang loob sa isang Maranao. Sabi ni Megan, isang eye-opener daw sa mga manonood ang serye. Ipakikita raw dito na ligal ang pag-aasawa kahit ilan sa ilang pangkat sa bansa.

Ang ikatlong asawa naman ni Dennis sa Legal Wives ay ang batang aktres na si Bianca Umali. Hindi na bago si Bianca sa pagganap bilang isang katutubo. Sa huli niyang seryeng Sahaya, gumanap na siya bilang isang Badjao. Ngayon naman, isang Maranao si Bianca na lubos niyang ikinatutuwa dahil sigurado raw na marami na naman siyang malalaman sa kultura ng mga pangkat-etniko sa Pilipinas.

Larawan mula sa Instagram post ni Alice Dixson

Maliban kina Dennis, Alice, Megan, at Bianca, kasama rin sa serye ang ilan pang batikang artista tulad nina Ms. Cherie Gil, Al Tantay, at ang nagbabalik sa GMA na si Bernard Palanca. Kasama rin sa serye ang StarStruck graduates na sina Abdul Rahman at Shayne Sava.

Pangungunahan naman ni Suzette Doctolero ang panulat ng nasabing teleserye na siyang nasa likod ng mga sikat na telefantasya ng GMA tulad ng Encantadia. Si Zig Dulay naman ang magiging direktor na siyang gumawa rin sa seryeng Sahaya.

Loading…