Doble kayod: 92-anyos na lolang nag-viral dahil nagtatrabaho pa sa fast food, may isang trabaho pa pala

  • Nag-viral sa social media ang kuwento ni Lola Rose Talastas na sa kabila ng edad na 92 ay nagtatrabaho pa rin sa fast food resto
  • Dahil dito ay nakapanayam siya ng GMA News at nailahad na may isa pa palang trabaho ang matanda
  • Nagtitinda siya kasama ang apo ng mga accessories na siya rin ang mismong gumagawa

Dahil madalas kinakapos sa budget, normal nang malaman na bukod sa isang trabaho, ay mayroon pang iba’t ibang raket ang ilan sa atin. Doble kayod kung tawagin nga ng iba ang mga kakilala natin na gumagawa ng paraan upang kumita ng extra.

Ngunit kung para sa iba ay nakamamangha na ang pagdodoble ng trabaho ng mga malalakas pa ang katawan, isang superhero naman ang tingin ng mga netizens para sa isang 92 anyos na lola na kahit may edad na ay kinakaya pa rin ang dalawang trabaho para sa kanyang mga apo.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA News

Nag-viral na noon sa social media si Lola Rose Talastas dahil sa kabila ng edad nito ay masigla pa rin itong nagtatrabaho bilang helper sa isang fast food restaurant sa Legarda, Maynila. Naging instant celebrity ang matanda matapos mapansin sa Facebook ang kanyang kuwento.

Dahil nga sumikat sa Internet si Lola Rose, naging daan na rin ito upang mapansin siya ng media. Isa sa mga television shows na kumilala nang husto sa matanda ay ang GMA News TV documentary na Brigada.

Inalam nila ang buhay nito at sinamahan sa kanyang mga gawain at dito ay natuklasan nilang maliban sa pagiging fast food crew, may isa pa palang trabaho si Lola!

Kapag Sabado, kung kailan wala siyang pasok sa fast food resto, rumaraket pa si Lola Rose bilang tindera ng mga accessories na gawa sa beads sa isang kalye sa Maynila. Kasama ang apo na si Rainiel, gumagawa sila ng mga wallet, kuwintas, bracelet, at iba pang palamuti gamit ang beads.

Malinaw pa ang mata ni Lola Rose sa kabila ng kanyang edad at kaya pang gumawa ng mga detalyadong beads accessories kahit walang salamin. Kapag hindi naubos ang kanilang paninda sa puwesto, inilalako nila ang kanilang mga accessories upang mabili.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA News

Pinipigilan na raw siya madalas ng kanyang mga apo. Ngunit sadyang masipag si Lola Rose at tumatakas daw siya kapag hindi siya napapayagang magtinda. Nagpupunta pa raw siya sa ibang lungsod tulad ng Marikina at San Juan upang magtinda.

Kumakayod raw siya para sa kanyang mga apo. Ang sobra sa kanyang kita ay inilalagay niya sa kanyang alkansiya dahil nag-iipon daw siya para sa pampagawa ng kanilang bahay. Nasa barong-barong lang kasi sila nakatira at tumutulo raw dito kapag umuulan.

Panoorin ang pagkayod ni Lola Rose sa isa pa niyang trabaho sa episode na ito ng Brigada:

Loading…