Emosyonal na pagkikita ng ina at anak sa tulong ng teknolohiya, umantig sa netizens

Imahe mula sa video ng MBC Documentary via YouTube
  • Pinag-uusapan ngayon sa social media ang emosyonal na muling pagtatagpo ng isang ina at ng anak niya na yumao na
  • Gumamit ng virtual reality upang muling makausap at mahawakan ng isang ina ang kaniyang anak
  • Sa kasalukuyan ay may milyun-milyong views na ang video na ito sa YouTube

Sa tulong ng teknolohiya ay muling nagtagpo ang isang ina at ang kaniyang anak na yumao noong taong 2016.

Imahe mula sa video ng MBC via YouTube

Nakuhanan ang tagpong ito sa dokumentaryong pinamagatang “I Met You.” Naka-post ito sa YouTube ng Munhwa Broadcasting Corporation. Sa tulong ng virtual reality ay naganap ang makabagbag-damdaming muling pagkikita nina Jang Ji-sung at ng kaniyang anak na si Nayeon na lumisan na noong siya ay pitong taong gulang pa lamang.

Sa totoong buhay, makikita si Jang na nakatayo sa malaking green screen at may suot na VR headset at gloves habang nakakausap at nahahawakan naman niya ang kaniyang anak sa virtual reality.

Agad na tumulo ang luha ni Jang nang makita ang at makausap ang anak sa isang parke na napuntahan nila noon.

“Mom. Where have you been, Mom? Did you think about me?” sabi ni Nayeon sa kaniyang ina.

“I do all the time,” sagot naman sa kaniya ni Jang. Sinabi rin ni Nayeon sa kaniyang ina na hawakan niya ang kamay nito.

Iclick ang imahe para mapanood ang video ng MBC via YouTube

Naupo rin sila sandali upang umawit ng “Happy Birthday” at hipan ang mga kandila sa isang cake. Inabutan din siya ni Nayeon ng mga bulaklak bago siya maging paru-paro at tuluyang nawala.

“Maybe it’s a real paradise. I met Nayeon, who called me with a smile, for a very short time, but it is a very happy time. I think I have had the dream I have always wanted,” sabi ni Jang sa Aju Business Daily.

Walong buwan daw ang inabot upang mabuo ang proyektong ito. Kumuha raw sila ng isang child actor na ginawa nilang modelo para sa virtual na Nayeon. Sa kasalukuyan ay may mahigit 6 na milyong views na ito.

Tunay ngang sa tulong ng makabagong teknolohiya ay posible nang mangyari ang halos lahat.

Loading…