Empleyado na laging nawawalan ng gamit sa opisina, nilagyan na ng larawan ang kanyang office supplies

  • Trending sa social media ang diskarte ng isang empleyado kung paano hindi mawawala ang kanyang gamit sa opisina
  • Nilagyan niya kasi ng 1 x 1 picture niya ang office supplies dahil madalas daw na hindi na ito napababalik sa kanya
  • Maraming netizens naman ang natuwa at sinabing gagayahin din nila ang diskarteng ito

Bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang maghiraman ng gamit. Kasama sa mga payo at pangaral ng ating mga magulang habang tayo ay lumalaki ang magpahiram o matutong magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Pinalaki nila tayong may diwa ng pagtutulungan na nadala ng marami sa atin hanggang sa magka-edad na.

Gayunman, kung minsan, ang pagtulong o pagpapahiram ay naabus0 rin ng ilan. Katulad ng simpleng pagpapahiram ng gamit sa ating mga kakilala na kung minsan ay nagreresulta sa hindi na rin pagkakabalik ng ating mga pag-aari.

Larawan mula sa Facebook page na Escudero Spa

Ngunit ang isang netizen ay nakahanap ng solusyon sa suliraning ito.

In-upload ng Facebook page na Escudero Spa ang larawan ng mga office supplies na tiyak na hindi na mawawala pa. Nilagyan na kasi ng may-ari ang mga nasabing kagamitan ng kanyang larawan dahil may mga katrabaho raw siyang hindi marunong magbalik ng gamit.

Halos lahat ng office supplies na karaniwang nawawala ay na-secure ng netizen sa pamamagitan ng pagdidikit ng kanyang 1 x 1 picture sa mga ito. Kasama sa ilang nilagyan niya ng palatandaan ay ang stapler, marker, ballpen, lapis, maging highlighter.

“Para sa mga katrabaho mong di marunong magsauli ng gamit,” sabi ng Escudero Spa sa kanilang viral post. Umani lang naman ito ng 4,500 reactions, 5,000 comments, at 18,000 shares. Maraming netizens ang naka-relate lalo na iyong mga nag-oopisina.

Kanya-kanyang tag sila sa kanilang mga kakilala sa office na madalas ay hindi naipababalik ang gamit. Sabi ng ilan, susubukan daw nila ang technique na ito at baka sakaling gumana. Hindi lang sila sigurado dahil baka pati raw ang picture ay tanggalin ng mga mabubuting kasamahan sa trabaho.

Larawan mula sa Pexels

Hindi lang sa mga nag-oopisina bumenta ang nasabing post. Pati na rin sa mga estudyanteng laging handa ay nakatulong ng malaki ang trending na diskarte.

Ayon sa kanila, dahil madalas silang hiraman ng mga kaklase, madalas ding hindi na nasasauli ang mga ito kaya magpapa-print na raw sila ng kanilang picture.

Para naman sa ilan, lalo na sa mga magkakapatid, makatutulong din umano ang paraang ito upang maiwasan naman ang hindi na napababalik nilang damit. Normal na kasi sa mga magkakapatid ang maghiraman ng damit ngunit madalas na rin daw na wala nang balikan.

Loading…