Estudyanteng kaboses ni Sam Smith, nag-trending; milyon agad ang views wala pang 24 oras na naka-upload ang video

  • Trending sa social media ang video ng isang estudyante na kaboses ni Sam Smith
  • Kumanta lamang ang mag-aaral sa isang videoke machine sa mall pero instant celebrity na siya dahil sa ganda ng boses
  • Wala pang 24 oras na naka-upload ang video ngunit mayroon na itong milyong views

Likas talaga sa mga Pilipino ang hilig at husay sa pagkanta. Kamakailan nga ay pinahanga ng Pinoy singer na si Marcelito Pomo yang mundo dahil sa kanyang magandang performance sa America’s Got Talent at pasok pa ngayon sa grand finale ng sikat na talent show.

Pero minsan, hindi na kailangan ng sikat na TV show para makadiskubre ng mahusay na Pinoy singer. Kahit sa mga karaoke demo lang sa mga mall ay makaririnig ng mga Pinoy na maganda ang boses, tulad ng isang estudyanteng nagpasiklab sa isang mall na kaboses ng international singer na si Sam Smith.

Larawan mula sa Facebook video ni Trixie Madison

In-upload ng netizen na si Trixie Madison ang video ng isang mag-aaral na lalaking kinakanta ang sikat na kantang “Too Good At Goodbyes” sa isang karaoke sa mall. Naka-uniporme pa ang estudyante na chill na chill lang sa pagbirit ng awiting ito ng Grammy decorated singer.

Hindi man naumpisahan ni Trixie ang pag-video sa performance ng batang estudyante ay maraming napahanga sa ganda ng tinig nito na hindi nalalayo sa boses ng orihinal na singer. Agad na nag-viral sa social media ang video ng bata.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang 24 oras na naka-upload ang video ngunit mayroon na itong nakalululang 2.1 million views, kasama pa ang 132,000 reactions na karamihan ay ‘l0ve’ at 107,000 shares.

Mahiwaga tuloy ang katauhan ng estudyanteng nasa video at maraming netizens ang gustong makilala ang bata at mapansin ng iba’t ibang TV networks at YouTube channel. Marami ang nagta-tag sa mga show tulad ng Kapuso Mo, Jessica Soho at ASAP Natin ‘To upang mas ma-expose at mas makilala ang bata sa video.

Larawan mula sa Facebook video ni Trixie Madison

May mga nag-uudyok din sa bata na sumali sa mga singing competition sa telebisyon. Malaki raw ang tsansa nito na manalo dahil mas magaling pa nga raw ito sa mga napanood nilang finalist ng mga reality show ngayon. Pwede rin daw siyang maging next Marcelito.

Hindi ito ang unang beses na mayroong nag-viral na umaawit sa isang mall. Noong 2012, sumikat si Zendee Rose Tenerefe nang mapabilib ang netizens sa rendisyon niya ng “And I Am Telling You” at naging guest pa sa ilang international TV shows.

Panoorin ang nakabibilib na voice-alike ni Sam Smith!

????

Posted by Trixie Madison on Wednesday, February 5, 2020

Loading…