‘Four Sisters and a Wedding’ magkakaroon ng prequel; pagbibidahan ng young and upcoming movie actresses

  • Magkakaroon ng prequel ang pelikulang Four Sisters and A Wedding
  • Gaganap bilang Salazar sisters sa prequel sina Alexa Ilacad, Charlie Dizon, Belle Mariano, at Gillian Vicencio
  • Iikot ang kuwento sa pamumuhay ng magkakapatid sampung taon bago ang unang pelikula

“Bakit parang kasalanan ko?” Isa lang ito sa mga naging iconic na linya mula sa blockbuster movie noong 2013 na Four Sisters and a Wedding. Pinagbidahan ito ng malalaking pangalan sa pelikula tulad nina Toni Gonzaga, Angel Locsin, Bea Alonzo, Shaina Magdayao, Enchong Dee, at Coney Reyes.

At ilang taon matapos kumita ng daang milyon ang nasabing pelikula, muling bibigyang-buhay  ng Star Cinema ang pakikipagsapalaran ng magkakaptaid na Salazar. Inanunsiyo ng Kapamilya movie outfit na magkakaroon ng prequel ang kuwento nina Teddie, Bobbie, Alex, at Gabbie.

Larawan mula sa ABS-CBN Star Cinema

Ayon sa website ng Star Cinema, gagampanan ng mga young and upcoming Kapamilya actresses na sina Alexa Ilacad, Charlie Dizon, Belle Mariano, at Gillian Vicencio. Si Alexa ang gaganap kay Bobbie, Si Gillian ang gaganap na Alex, si Charlie naman bilang Teddy, at Belle bilang si Gabbie.

Hindi na ang blockbuster director na si Cathy Garcia- Molina ang mangunguna sa pelikula. Ang magiging direktor na ay si Giselle Andres na nagsilbi namang assistant director noong unang pelikula. Mananatili naman ang headwriter na si Vanessa Valdez. Gagawin din ang pelikula sa bagong sub brand ng ABS-CBN Films na SCX.

Iikot daw ang kuwento ng prequel sa pagsasama ng magkakapatid sampung taon bago ang naging buhay nila sa pelikula. Nagkabukingan kasi ng mga itinatago ang babaeng magkakapatid na Salazar nang pagplanuhan nilang ‘di matuloy ang kasal ng bunsong kapatid na si Reb-reb.

Matapos ang anunsiyo ng Star Cinema, agad na nag-trending sa social media ang balitang magkakaroon ng prequel ang minahal na pelikula. Marami sa fans ay na-e-excite sa magiging takbo ng kuwento ng Salazar sisters noong dalagita pa sila at bago tuparin ang kanilang mga pangarap.

Larawan mula sa ABS-CBN Star Cinema

Curious din ang netizens kung sino ang gaganap sa papel ni Enchong na bunsong kapatid na lalaki at sino ang magbibigay-buhay sa kanilang ina na si Grace Salazar na ginampanan noon ni Coney Reyes.

Wala pa namang ibinigay na play date ang Star Cinema sa nasabing pelikula. Isa ang Four Sisters and a Wedding sa mga tumatak na pelikula na hanggang ngayon ay nagte-trending pa sa social media.

Loading…