Germany, nangangailangan ng 550 Filipino nurses; sahod, aabot sa P135k

Imahe mula sa Freepik
  • Naghahanap ngayon ng 550 Filipino nurses ang bansang Germany at maaaring umabot ng P135,000 ang buwanang sweldo doon
  • Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), P113,000 ang sahod doon at tataas ito sa P135,000 kapag naipasa ang exam para sa mga nurses sa kanilang bansa
  • Marami raw interesadong subukan ang kanilang kapalaran doon dahil maaari silang maging permanent resident o citizen sa Germany kalaunan

Isa ka bang nurse na kasalukuyang naghahanap ng magandang oportunidad upang makatulong sa iyong pamilya?

Imahe mula sa Unsplash

Magandang balita: Nangangailangan ngayon ng 550 Filipino nurses ang Germany, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Mas malaki ng sampung beses kaysa suweldo sa Pilipinas o hanggang P135,000 daw ang buwanang suweldo na maaaring iuwi ng mga papalaring matanggap doon.

Sa ulat ng GMA News, sinabi ni POEA Deputy Administrator Villamor Ventura Plan na €2,000 o P113,000 ang sahod sa Germany, bukod pa sa tatanggapin nilang overtime pay. Kapag pumasa raw sa exam ng mga nurses doon ay tataas pa ito sa P135,000. Mula noong taong 2013 ay nasa 800 mga Filipino nurses na ang naipadadala doon.

Imahe mula sa Freepik

Bukod sa mas mataas na suweldo ay may isa pang dahilan kung bakit marami ang nag-aasam na makapagtrabaho sa Germany, ayon kay Plan.

“Isa po sa rason kung bakit interesado ang nurses natin na magtrabaho sa Germany is because puwede silang maging permanent resident or citizen doon sa Germany,” paliwanag ni Plan.

Sang-ayon dito ang OFW na si Rosslyn Manaois na dating nagtrabaho sa Saudia Arabia.

“Doon pwede kang mag-settle. Unlike sa pinanggalingan namin, hindi puwede. Puwede ko ring kunin ang parents ko later on,” saad niya nang tanungin kung bakit nais niyang mag-apply sa Germany. Bumalik sila ng kaibigan niyang si Hazel Bonbon sa Pilipinas mula sa Middle East dahil sa tumataas nang cost of living doon.

Maaari raw mag-apply ang mga interesadong nurses sa POEA hanggang sa Marso 2, 2020.

Loading…