Ginawa mo ba? Pagkanta sa tapat ng electric fan at sa loob ng banyo, orihinal na auto-tune ng mga bata noon

  • Isa sa mga paboritong gawain ng mga Pilipino ay ang kumanta, maganda man ang boses o hindi
  • Kaya naman marami sa atin ang nahilig kumanta sa harap ng bentilador at sa loob ng banyo upang gumanda ang boses
  • Napatunayan naman ito ng siyensiya kaya naman itinuturing ito na instant auto-tune ng mga bata noon

Dahil sa pag-unlad ng makabagong teknolohiya, kahit ang mga wala sa tono ay nagiging instant singers. Mapa-celebrity man o normal na tao, maaari nang kumapit sa iba’t ibang software at mobile applications para naman maging katanggap-tanggap sa pandinig ang kanilang mga tinig.

Ngunit bago pa man mauso ang auto-tune, mayroon nang mga maaasahang pampaganda ng boses ang mga bata noon. Nakagawian na ng bata noon, maging ng mga matatanda, ang pagkanta sa tapat ng bentilador o electric fan at sa loob ng banyo habang naliligo.

Larawan mula sa YouTube video ni Hazel Malabana

Ginagawa ng marami sa atin ang pagkanta sa tapat ng electric fan dahil nagkakaroon ng vibrato o pagnginig ng boses kapag tumatama sa bentilador ang boses. Ang galaw ng mabilis na elisi ay nagdaragdag ng kulay sa boses kaya naman gumaganda ito sa ating pandinig. Marami sa atin ay kukuha pa ng suklay na magsisilbing mikropono para sa magandang ‘performance’.

Isang pangmalakasang recording studio naman para sa marami sa atin ang banyo o comfort room. Nakagaganda ng boses ang tinatawag na ‘acoustics’ sa loob ng banyo.

Ayon sa website na How Stuff Works, dahil daw maliit ang banyo kumpara sa ibang silid ng bahay napagaganda raw nito ang boses ng tao at nakapagdaragdag ng kaunting bass.

Ang tiles at dingding din daw ng banyo ang isa sa mga sanhi kung bakit maganda ang boses sa loob nito. Hindi raw kasi naa-absorb ng mga ito ang tunog at boses kaya nagba-bounce ito sa loob ng banyo bago ito tuluyang mawala na animo’y isang reverb effect ng mga professional sound system.

Larawan mula sa Facebook

Ibinahagi rin ng Facebook page na 9GAG ang gawain ng bata noon na kumanta sa harap ng electric fan at sa loob ng banyo.

Ayon sa post, kung ang mga bata raw ngayon ay abala sa paggamit ng smartphones, laptops, at VR games, sila raw noon ay abala naman sa pagkanta sa harap ng electric fan.

Pahayag ng marami, kahit naman daw ngayong matanda na sila ay umaasa pa rin sila sa kanilang mga electric fan at banyo upang mapaganda ang kanilang boses. Ito na lang daw kasi ang tangi nilang pag-asa upang magkaboses ng pang-The Voice at magtunong ‘professional singer.’

Relate ka rin ba?

Loading…