Guro, kinarga ang anak ng estudyante para lamang makapag-quiz ito

  • Kinarga ng isang guro ang anak na sanggol ng kaniyang estudyante para lamang hindi ito maabala sa pagkuha ng pagsusulit
  • Hindi makapaniwala ang estudyante sa kabutihang ipinamalas ng kaniyang guro
  • Pinuri naman ng mga netizens ang ginawa ng naturang guro

Itinampok ng isang estudyanteng ina ang kaniyang “istriktong” guro matapos nitong kargahin ang kaniyang 6 na buwang gulang na anak para lamang makakuha siya ng quiz sa kanilang asignatura, noong Pebrero 13, 2020.

Sa Facebook post ni Hershy Pabrea, makikitang bitbit ni Sir Iji Alviso ang anak niya habang binabasa ang questionnaire ng quiz, bagay na hindi mapaniwalaan ng estudyante dahil may mga guro pala talagang mabubuti ang kalooban. Akala raw niya, sa Facebook lamang mababasa ang mga ganitong senaryo.

Imahe mula sa Facebook account ni Hershy Pabrea

“I just want to flex my teacher in Critical Thinking, thank you Sir Iji Alviso… Salamat ulit sir napakabuti ninyo”, aniya.

Lagi umanong isinasama ni Hershy ang kaniyang anak sa paaralan dahil wala umanong magbabantay rito. Kahit sa pagkuha niya ng scholarships at pictorial para sa senior high school toga picture, hindi nawawala sa kaniyang tabi ang anak.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “We do not recommend early pregnancy, but I salute this young student mother for her dedication and perseverance to finish school and fulfill her school duties, also to the teacher who is helping the student.”

Isang netizen naman ang nakarelate sa sitwasyong ito. “Naka–relate ako dito ah. Ako rin noon, madalas bitbit ko si baby sa school. Yung mga teachers at classmates ko minsan kinakarga nila baby ko para makapag–quiz ako, pero salamat nakapagtapos din.”

“Thumbs up for the prof but hope this will not influence some other kids… they must finish their studies first and pursue dreams before having kids. They aren’t ready for this,” paalala naman ng isa.

Ang teenage pregnancy o maagang pagbubuntis ng kabataan dahil sa pakikisangkot sa pre–marital sex ay matagal nang suliranin ng bansa, lalo pa’t maagang nagkakaroon ng responsibilidad bilang magulang ang isang tinedyer na dapat sana’y nagtatapos muna ng pag–aaral upang maging susi sa mas magandang kinabukasan.

Public Domain Image

Subalit, kung sakali mang mangyari ito’t hindi maiiwasan, katulad ng ginawa ni Hershy, nararapat lamang na ito ay panindigan at huwag na huwag titigil sa pagsungkit sa mga pangarap. Kaya naman sa mga ganitong pagkakataon at sitwasyon, mahalaga ang suporta ng mga kapamilya at iba pang mahahalagang tao upang kahit paano’y maibsan ang bigat ng responsibilidad ng maagang pagmamagulang.

Samantala, isang pagpupugay sa gurong si Sir Iji! Saludo kami sa inyo! Isa po kayong patunay na ang pagiging guro, bilang pangalawang magulang ng mga mag–aaral, ay isang dakilang propesyon.

Loading…