Hi-tech: Prosperity o money dance ng bagong kasal, idinaan sa QR code at electronic money remittance

  • Trending ang isang modernong prosperity o money dance ng dalawang millennial
  • Imbes kasi na isabit sa damit ng bride at groom ang pera, ipinapadala na lang ito sa pamamagitan ng QR code at e-money
  • Marami namang netizens ang nakakuha ng ideya at sinabing gagayahin nila ang diskarteng ito ng millennial couple

Napaulat noong nakaraang taon ang hi-tech na nagtitinda ng tusok-tusok sa Mandaluyong City. Maliban kasi sa cash payment, tumatanggap na rin ang fishball vendor ng QR code bilang pambayad ng kanyang mga suki. Sa China naman, ang mga namamalimos ay gumagamit na rin ng QR code at electronic money para makahingi ng tulong sa mga turista.

Kaya naman hindi na rin nakapagtataka na maging ang ibang mahahalagang tradisyon na mayroong sangkot na pera, ay ginagamitan na rin ng makabagong teknolohiya para mas madaling maisagawa ang mga ito.

Larawan mula sa Facebook account ni Al Martinez

Ganito ang laman ng trending post ngayon ni Al Martinez sa kanyang Facebook account. Ang dinaluhan niya kasing kasal ay nagsagawa ng prosperity dance o mas kilala rin bilang money dance.  Ngunit imbes na isabit ang pera sa damit ng mga ikinasal, may pagpipilian na rin ang mga dumalo na magbigay ng pera sa pamamagitan ng kanilang mobile devices.

Naka-flash sa LED monitor ang dalawang klase ng mode of money transfer na maaaring gawin kung sakaling walang dalang cash ang mga dumalo. Una ay ang pagpapadala sa pamamagitan ng electronic money remittance na GCash. Sa pag-enter lamang ng cellphone number ng bride at groom gamit ang application ay maipapasa na nila ang pera sa mga ito.

Mayroon ding QR code sa screen para naman sa online banking transaction. Sa oras na i-scan ng sinuman ang QR code gamit ang kanilang BPI Mobile Banking application ay agad na rin silang makapagpapasa ng pera sa bride at groom.

Real-time ang pagpasok ng pera sa ganitong uri ng transactions kaya naman halos katumbas na rin ito ng tradisyonal na money dance. Diretso pa sa savings account ng mag-asawa ang pera kaya naman maraming netizens ang sinabing wais ang diskarte ng bagong mister at misis.

Larawan mula sa Flickr

Umabot lang naman sa higit 18,000 reactions, 2,300 comments, at 13,000 shares ang post na ito ni Al dalawang araw matapos i-upload. Maraming netizens ang nagsabi na nakakuha sila ng magandang ideya para sa kani-kanilang kasal.

Sabi pa ng ilan, ngayon pa lang daw ay gagawa na sila ng account sa iba’t ibang e-money applications at magda-download na rin ng online banking applications para walang takas ang mga dadalo na walang dalang cash.

Source :

Facebook, DF News

Loading…