Hindi isda: Alam mo bang maaari ding gawing daing ang manok?

  • Maliban sa isda, ginagawa na ring daing ngayon ang manok
  • Katulad rin ito ng proseso ng daing na isda, ngunit isang buwan kailangang ibabad
  • Hindi tukoy kung saan nagmula ang recipe ngunit ginagawa na raw ito ng ating mga ninuno

Malaking bahagi ng culinary ng Pilipinas ang pagkain ng mga tinimplahang isda. Ilan sa mga sikat na lutuing ito ay ang tuyo, tinapa, at daing. Maliban kasi sa pagpapasarap ng pagkain, isa rin itong paraan upang mas mapahaba pa ang buhay ng karne.

Ngunit hindi lamang pala isda ang maaaring gawing daing. Sa bayan ng Rodriguez sa Rizal, hindi lamang isdang bangus ang ginagawa nilang daing. Maging ang karne ng manok ay maaari na ring lagyan ng panibagong lasa sa pamamagitan din ng pagdadaing.

Larawan mula sa video ng GMA News

Sa isang episode ng GMA News TV magazine show na iJuander, itinampok nila ang kakaibang pagpapalasa nila sa manok ng isang farm. Katulad rin ng timplang binababaran ng daing na bangus o tilapia, ginagamit rin ang suka, bawang, paminta at asin ang marinade ng dinaing na manok.

Pero hindi tulad ng daing na isda na sandali lamang ang kailangang babaran, ang daing na manok ay kinakailangang ibabad sa loob ng 30 araw. Mas makapal daw kasi ang karne ng manok kaya naman hindi agad nanunuot sa karne nito ang pangbabad.

Matapos ang isang buwan ng babaran, maaari na ring iprito ang karne na tulad ng isang normal na daing. Ayon sa mga mayroong paborito ng daing na manok, masarap daw ito at kasing lasa rin ng daing na isda. Hindi rin daw gaanong kaalat ito katulad ng daing na isda.

Bagaman isang sikat na lutuin ito sa bayan ng Rodriguez, wala namang makatukoy kung saan nagmula talaga ang recipe na ito. Ngunit ayon sa mga food historian, isang paraan ito ng ating mga ninuno upang mapreserba ang mga karne.

Larawan mula sa video ng GMA News

Wala pa kasing refrigerator noon kaya nama gumagamit sila ng ibang sangkap, katulad ng suka at asin na nakapagpapatagal talaga ng shelf life ng isda, baboy, manok, at iba pang uri ng karne. At dahil sa mga pampalasa rin ang asin at suka, nagkakaroon ng kakaibang flavor ang mga karneng ibinababad sa mga ito.

May mga netizens naman na gustong tikman ang daing na manok. Mukhang mas madali raw itong kainin dahil wala itong tinik katulad ng mga isda. Para din daw itong kakaibang timpla ng paboritong Pinoy ulam na pritong manok.

Panoorin ang paraan ng pagluluto ng dinaing na manok sa video na ibinahagi ng GMA News Public Affairs:

Source :

YouTube, Facebook

Loading…