Hindi mahulugang butiki: Nakatayo at naka-gel na buhok, pang-pogi points ng mga lalaki noong early 2000s

  • Trending sa social media ang larawan ng isang lalaking binalikan ang usong hairstyle noon
  • Patok kasi sa mga kalalakihan noong early 2000s ang buhok na tayo-tayo ang harapan at pinatigas ng gel
  • Maraming netizens ang naalala kung paano nila ayusan ang sarili para ma-achieve ang nasabing hairstyle

Sabi nila, isa raw sa pinakamabisang paraan upang balikan ang iba’t ibang dekada ay sa pamamagitan ng nausong porma. Sa pananamit at ayos ng buhok, malalaman mo na raw kung anong era o panahon ito nauso at tiyak na makapagpapabalik ng maraming alaala sa sinumang makakikita.

Ito marahil ang dahilan kung bakit trending sa social media ang post ng netizen na si Randy Jerico Caanacan Sasot. Ipinakita niya kasi sa kanyang post ang kanyang larawan na nagbalik-tanaw sa kanyang naging hairstyle noong early 2000s.

Larawan mula sa Facebook post ni Randy Jerico Caanacan Sasot

Halos lahat ng kalalakihan noon ay pinaliliguan ng gel ang kanilang mga buhok upang tumigas at gawing tayo-tayo ang harapang bahagi nito, bandang itaas ng noo. Kailangan maayos na koordinasyon ng kamay at suklay upang makamit ang maayos na pagtayo ng harapan ng buhok.

At dahil pinaghirapan ang ganitong klase ng hairstyle, maraming kalalakihan noon ang may isang rule para sa lahat: hanggang tingin lang dapat ay huwag na huwag ang hahawakan ang buhok para hindi maghalo ang balat sa tinalupan.

“Ganito lang kami noon. Tapos ‘wag mo hahawakan hahaha. Only legends can relate,” sabi ni Randy sa kanyang viral post. Umabot lang naman ang post ng higit 6,600 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 872 comments, at 32,000 shares dalawang araw matapos ibahagi sa social media.

Sabi nga ni Randy, only legends can relate. At tila naglabasan ang mga legends na naka-relate sa post niya at gumawa rin nang nasabing ayos ng buhok. Marami ang sinariwa ang kanilang alaala na ganitong hairstyle ang kanilang pang-pogi points noon.

Pahayag ng ilan, nasa elementarya pa lamang daw sila ay ganito na ang kanilang hairstyle. Naaalala nila kung paano sila lagyan ng gel ng kanilang mga nanay sabay lagay ng usong pabango noon. Pero hindi rin mawawala ang lampin sa kanilang likod.

Larawan mula sa Facebook post ni Randy Jerico Caanacan Sasot

“Ganyang hairstyle plus baby cologne na blue plus lampin sa likod equals ikaw Marcellus noong Grade 1,” komento ng isang netizen.

Maraming kalalakihan ang na-tag ng kani-kanilang mga kaibigan, kaanak, o kasintahan dahil ganito ang kanilang ayos ng buhok noon. Bago pa raw sila magpagupit ng mga usong hairstyle ngayon, GGSS o gwapong-gwapo na raw sa sarili ang mga lalaki noon sa kanilang ‘hindi mahulugang butiki’ na hawi ng buhok.

Loading…