Ibang level: Gabbi Garcia, kauna-unahang Pinay na kinuhang tourism ambassador ng Taiwan

  • Ang Kapuso actress na si Gabbi Garcia ang bagong tourism ambassador ng bansang Taiwan
  • Siya ang kauna-unahang Pinoy na kinuha ng Taiwan upang maging mukha ng kanilang turismo
  • Masaya naman ang fans at followers ng 21-anyos na aktres para sa kanyang bagong achievement 

Para sa mga Pinoy showbiz personality, isang malaking karangalan ang makilala at parangalan ng iba’t ibang institusyon sa labas ng bansa. Isang malaking patunay ito na nagagampanan nila nang maayos ang bawat proyektong naibibigay sa kanila at hindi lamang mga kababayan nila ang nakapapansin nito.

Ganito ang takbo ng career ngayon ng tinaguriang The Millennial Kapuso It Girl na si Gabbi Garcia. Matapos ang sunod-sunod na local projects, isang malaking oportunidad ang kumatok sa kanya pagpasok ng 2020. Nakuha lang naman siya bilang kauna-unahang Pinay bilang tourism ng bansang Taiwan.

Larawan mula sa Instagram account ng GMA Artist Center

Inilahad ng kanyang management agency na GMA Artist Center ang magandang balita sa kanilang Instagram account. Magiging mukha si Gabbi ng turismo ng bansang Taiwan sa buong taon. Ito rin ang dahilan kung bakit lumipad patungo sa Taiwan si Gabbi nitong Enero.

Hindi agad inilahad ni Gabbi ang proyektong gagawin niya sa Taiwan ngunit maraming fans ang nabighani sa kanyang mga larawang ibinihagi sa Instagram posts na kuha sa mga kilalang tourist spots at historical landmarks sa nasabing bansa. Sa kanyang kampanya bilang ambassador, gagamitin ni Gabbi ang hashtag na #PanahonSaTaiwan.

At bilang unang bahagi ng kanyang tungkulin bilang Taiwan tourism ambassador, dadalo si Gabbi sa gagawing 27th Travel Tour Expo ngayong Pebrero na gaganapin sa SMX Convention Center. Ito rin ang opisyal na announcement kay Gabbi bilang isang ganap na tourism ambassador.

Larawan mula sa Instagram account ng GMA Artist Center

Hindi ito ang unang beses na magkakaroon ng malaking proyekto si Gabbi sa labas ng Pilipinas. Noong 2017, isang malaking endorsement project mula sa malaking shampoo brand ang nakuha ng 21-anyos na Kapuso actress. Ang kanyang television commercial (TVC) ay napanood sa mga bansa sa ASEAN, East Asia, at Australian regions.

Masayang-masaya naman ang fans ni Gabbi para sa panibagong achievement ng kanilang idolo. Katatapos lamang gawin ni Gabbi ang action series na Beautiful Justice at kasalukuyang bahagi siya ng main performers ng All Out Sundays.

Loading…