Ice Seguerra at Bembol Roco, nais matutukan ang kaligtasan at pagpapahalaga sa mga artista at production team

  • Dinidinig na sa Kongreso ang mga panukalang batas para sa proteksiyon ng mga artista, talents, at iba pang bahagi ng production team
  • Ito ay matapos ang sinapit ni Eddie Garcia sa isang taping para sana sa kanyang comeback series sa GMA Network
  • Inilahad nina Ice Seguerra at Bembol Roco ang kalagayan ng mga extra tuwing mayroong taping

Dahil sa sinapit ng beteranong aktor na si Eddie Garcia sa isang taping ng teleserye para sa GMA Network, iba’t ibang panukalang batas ang inihain upang mabigyan ng proteksiyon ang mga artista at iba pang manggagawa sa harap at likod ng camera.

At sa isang pagdinig para sa mga nasabing panukala, lakas-loob na inilahad ng dalawang kilalang personalidad na sina Ice Seguerra, nakilala noon bilang ang child actress na si Aiza Seguerra, at ang action star at kilalang kontrabida na si Bembol Roco, ang mga pagkukulang sa paghahanda at seguridad ng mga television network at movie production tuwing araw ng kanilang taping.

Larawan mula sa Wikimedia Commons

Sinabi ni Ice sa kanyang pahayag sa Kongreso na maliban sa nasilip na kakulangan sa emergency equipment at procedure sa nangyari kay Eddie Garcia, marami pa raw isyung dapat iresolba katulad ng hindi patas na pagtrato sa mga extra o talents sa mga teleserye at pelikula.

Ayon kay Ice, wala raw maayos na quarters ang mga extra at kung minsan ay hindi napapakain.

“Sa init ng araw, nasa ilalim lang ho kami ng payong, nakaupo, walang maayos na lugar. Medyo nag-level up para sa mga artista, but unfortunately for the extras, it’s like this. Until now, they come to the set earlier than all of us but you see them sitting in cardboard boxes. Wala man lang upuan, walang meryenda minsan,” pahayag ng acoustic singer na si Ice.

Dagdag pa niya, nakalulungkot daw na tila naabus0 ng mga production outfits ang mga extra dahil batid nilang titiisin ng mga ito ang lahat ng hindi magandang nararanasan dahil buo raw ang lo0b ng mga ito sa kanilang ginagawa. Hindi raw makapagreklamo ang ilan dahil nagiging kapalit nito ang kanilang trabaho.

Hindi rin kasi pinahihintulutang magsalita ang mga artista o extra nang kontra sa mga television network o movie firms dahil mayroong pinipirmahang kasunduan ang mga ito. Sa oras na mayroong makarating na reklamo, sigurado raw na mawawalan sila ng trabaho.

Larawan mula sa IMDB

Ganito rin ang sentimyento ni Bembol, na mayroon ding mga anak na artista sa kasalukuyan.

Sabi ng beteranong aktor, panahon pa raw ng dinadakilang direktor na si Lino Brocka, isinusulong na ang pantay na karapatan ng mga artista at bahagi ng production team ngunit wala raw nangyayari at tila hindi pinapansin.

Sinabi naman ng Labor Committee chair na si Eric Pineda na nauunawaan niya ang pinagdaraanan ng mga artista at iba pang miyembro ng production team kaya naman naging emosyonal din siya noong hearing.

Buo rin ang loob niya na wakasan na ang ganitong uri ng pagtrato sa mga manggagawa sa entertainment industry.

Loading…