Igorot artist gumuguhit ng kamangha-manghang artworks gamit ang magnifying glass at sinag ng araw

  • Isang artist mula sa Cordillera ang gumagamit ng magnifying glass at sinag ng araw sa paglikha ng mga kamangha-manghang obra
  • Si Jordan Mang-osan ay tatlumpung taon nang lumilikha ng mga solar drawings
  • Sa tuwing gumuguhit, ang laging nasa puso ni Jordan ay ang mabigyan ng halaga ang lugar na kanyang pinagmulan

Kamangha-mangha ang mga nagagawang obra o likhang-sining ng isang Igorot artist mula sa La Trinidad, Benguet dahil napakadetalyado ng mga iyon kaya hindi aakalain ng tumitingin na magnifying glass ang ginamit niya sa pagguhit sa halip na pinsel o brush.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Solar drawings ang tawag ni Jordan Mang-osan sa mga likha niyang obra. Ginagamit niya ang init ng sikat ng araw na itinatapat sa magnifying glass upang makagawa ng mga guhit sa canvass na gawa sa kahoy, kalimitan ay plywood.

Maingat niyang ipinu-posisyon ang magnifying glass na nasisikatan ng araw sa sketch na preparado na sa wood panel canvass.

Pyrography ang tawag sa ganitong estilo ng paggawa ng artwork, subalit kakaiba ang ginagawa ni Mang-osan. Karaniwang ginagamit sa pyrography art ay mga de-kuryenteng tools tulad ng soldering iron.

Ang mga nalilikha niyang obra ay bunga ng pagtitiyaga. Dahan-dahan at metikuloso niyang itinatapat ang sikat ng araw na ipinadaan sa magnifying glass upang makagawa ng mga linyang itim. Kadalasang inaabot ng ilang araw o buwan, depende sa laki, ang isang solar drawing.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

“Ang medium na ito ay parang collaboration ng nature at technology. Iyon ang napili kong medium dahil parang kakaiba sa ibang medium kasi hindi siya expensive. Mayroon ka lang magnifying glass at sinag ng araw, puwede ka nang makagawa ng artwork,” sabi ni Mang-osan sa ABS-CBN program na Matanglawin.

Ang kadalasang tema ng kanyang mga likhang-sining ay ang kultura at tradisyon ng mga taga-Cordillera. Gumagawa rin siya ng mga portrait ng mga sikat na personalidad tulad ni fighting senator Manny Pacquiao at dating Miss Universe na si Pia Wurtzbach.

Imahe mula kay Jordan Mang-osan

Marami nang parangal na natanggap si Mang-osan dahil sa kanyang solar artworks. Sa tuwing gumuguhit, ang laging nasa puso niya ay ang mabigyan ng halaga ang lugar na kanyang pinagmulan.

“I hope makatulong ‘tong artworks ko para maipakita sa kabataan ng Cordillera kung ano ‘yung mga kultura at sining na sinimulan ng aming mga ninuno,” saad ng Igorot artist na tatlumpung taon nang gumagawa ng mga solar drawing.

Ang mga obra niya ay nabibili sa halagang mula P2,000 hanggang P100,000 bawat isa.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Loading…