Inunahan na: Estudyante, literal na ‘ginisa’ na ang kanilang research paper bago gisahin ng guro nila

  • Naghatid ng good vibes sa maraming netizen ang literal na ‘paggisa’ ng netizen sa kanyang research paper
  • Uunahan na raw niya dahil mukhang ganito naman daw talaga ang mangyayari kapag ipinasa na sa kanilang guro
  • Marami namang netizens ang naka-relate sa post kaya naman viral na ito sa social media

Pebrero na, at para sa mga mag-aaral at guro, kaunting kembot na lamang at bakasyon na. Pero bago makamit ang inaasam na summer break at end of school year, marami munang kailangang pagdaanan at matapos na requirements ang mga mag-aaral.

Isa na rito ay ang research paper na karaniwan ay requirement para sa mga mag-aaral sa high school at college. Minsan, nagiging pagsubok ito sa mga mag-aaral dahil komplikado ang paggawa ng research paper at kailangan mo pa itong i-present  at i-defend sa harap ng panel o iyong guro.

Larawan mula sa Facebook post ni Rafael John

Kung hindi maayos ang pagkakagawa sa research, maaari itong ‘magisa’. At para sa netizen at estudyanteng si Rafael John, iba na ang advance mag-isip. Bago kasi ipasa sa kanilang guro ang research paper, inunahan na niya ito sa paggisa sa kanilang papel.

In-upload ni Rafael sa kanyang Facebook account ang literal na ‘ginisang’ research paper niya. Nakalagay ito sa isang kawali na mayroon pang kasamang bawang at sibuyas. Mayroon din itong seasoning mix na Aji-Ginisa.

Sabi ni Rafael, mas mainam na raw na siya na ang maggisa ng sarili niyang research paper dahil tanggap na raw niya ang magiging resulta. Kaysa naman umasa siyang magugustuhan ito, ay pinangunahan na niya ang maaaring mangyari kinabukasan sa eskwelahan.

Tila hashtag relate naman ang maraming netizens, lalo na ang mga estudyante sa post ni Rafael John. Umabot lang naman kasi sa halos 2,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 147 comments, at 5,000 shares ang kanyang ‘ginisang research paper.’

Larawan mula sa Pexels

Iba-ibang damdamin ang ipinadama sa kanila ng larawang ibinahagi ni Rafael. Mayroong mga netizens na nag-tag sa kanilang mga kakilala at kagrupo sa research. Sabi ng mga ito, hindi raw malabo na parehas sila ng sapitin sa kanilang final paper.

May iba namang netizen na tila ginawang ‘pahiwatig’ ang larawan sa mangyayari sa kanilang thesis defense at presentation ng research paper. Hindi raw tuloy nila alam ang ire-react sa larawan. Ayaw naman nilang i-haha ito dahil baka mangyari din sa kanila.

Loading…