Iwas bagot: PhilHealth sa Pampanga, may pakulo upang ‘di mainip ang mga nasa pila

Imahe mula sa Facebook | Belle Bautista
  • Kinaaliwan ng netizens ang pakulo ng isang PhilHealth branch upang hindi mainip ang mga nakapila
  • Habang tinatawag kasi ang mga pangalan ng miyembro at kung saang counter sila lalapit ay pinatututog ang graduation march
  • Ito raw ang kanilang paraan upang marami ang mahikayat na bumisita sa kanilang opisina upang maging miyembro

Mahabang pila at matagal na paghihintay. Ito ang mga kailangang paghandaan sa tuwing may kailangang lakarin sa isang opisina ng gobyerno.

I-click ang imahe para mapanood ang video via Facebook

Ngunit ang isang opisina ng PhilHealth sa Angeles, Pampanga ay nakaisip ng paraan upang kahit papaano ay maaliw ang mga naghihintay na miyembro. Habang tinatawag ang mga pangalan at kung saang counter sila lalapit ay pinatutugtog nila ang graduation march kaya tila may pagtatapos na nagaganap.

Sabi ng uploader na si Ah Chong Lings, “Award ang PhilHealth Angeles City. #Graduation.” Sa kasalukuyan ay may mahigit 33k reactions at 18k shares na ang post niyang ito.

Sabi pa ni Lings, sobra silang naaliw sa pakulo na ito dahil ang ilan daw ay nagpapalakpakan pa. “Pag ganiyan, walang bagot,” komento ng netizen na si Jen P. “Ang bilis ngang natapos dahil kwela,” pag sang-ayon naman ng uploader.

Imahe mula sa Facebook | Belle Bautista

Nakita ng isang taga PhilHealth ang post na ito at nagpasalamat kay Lings dahil sa pagpansin sa kanilang paraan upang mahikayat ang mga Pilipino na maging miyembro ng PhilHealth.

“Salamat at napapansin ang pagpupursigi ng PhilHealth Team Angeles para dumami ang Pilipino na magpaparehistro sa Philhealth at mag-update ng Member Data Records nila,” komento niya sa post na may kalakip pang larawan ng mga empleyado.

Hindi ito ang unang beses na ginamit ang graduation march upang pagaanin ang sitwasyon. Ginamit din ito bilang background music habang namimigay ng relief goods noon sa mga taga Batangas na nananatili sa evacuation center matapos na sumab0g ng Bulkang Taal.

Ito raw ang naisip nilang paraan upang mapasaya ang mga apektadong residente. Marami ang natuwa noon dahil sa pagiging positibo ng mga residente sa kabila ng pagsubok na pinagdaraanan.

Source :

Facebook

Loading…