Joshua Garcia bibida sa pelikulang hango sa horror-mystery novel ni Bob Ong

  • Joshua Garcia bibida sa isang pelikula na hango sa obra ng manunulat na si Bob Ong
  • Ang pelikula ay hango sa “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” na nalathala noong 2010
  • Ang pelikula ay unang co-production ng Black Sheep at Regal Entertainment
  • Si Chito Roño ang director ng pelikula

Inanunsyo ng Black Sheep, isang production studio sa ilalim ng ABS-CBN, ang unang co-production  project nito kasama ng Regal Entertainment at ang batikang director na si Chito Roño kung saan isasapelikula ang isang obra ng manunulat na si Bob Ong.

Imahe mula sa Instagram account ng Black Sheep

Ang matinee idol na si Joshua Garcia ang napisil na bumida sa pelikula na hango sa horror-mystery novel ni Bob Ong na pinamagatang “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan.” Nalathala ang libro noong 2010.

“Coming soon: we’ve got a first time co-production with Regal Entertainment Inc. and Director Chito S. Roño for an adaptation of Bob Ong’s “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan”, starring Joshua Garcia,” post ng Black Sheep sa Instagram.

Ang kuwento ng “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” ay tungkol sa journal entries ng isang college student sa Maynila na si Galo.

Isinulat ni Galo sa diary ang tungkol sa mga tao at mga kababalaghang naengkwentro niya nang umuwi siya sa probinsya kung saan siya pinalaki ng kanyang lola na si Susan.

Nagsimula ang mga misteryosong pangyayari matapos niyang malaman na may karamdaman ang lola niya. Humantong ito sa puntong kinukuwestyon ni Galo ang kanyang katinuan.

Imahe mula sa Facebook account ni Bob Ong

Ito na ang ikalawang pelikula ni Joshua Garcia na may temang horror, kasunod ng “Block Z” – isang pelikula tungkol sa mga zombie kung saan katambal niya ang dating ka-loveteam na si Julia Barretto – na kailan lang ipinalabas sa mga sinehan.

Unang nakilala ang 22-anyos na aktor at dating Pinoy Big Brother teen housemate sa mga pelikulang romantic comedies at drama.

Imahe mula sa Instagram account ng Black Sheep

Loading…