Kain gulay, hugas plato: Netizen, nagbahagi ng t-shirt na dapat daw ay pino-promote ng social media influencers

  • Isang negosyante ang gumawa ng mga t-shirt na mayroong makabuluhang statement
  • Ang mga ito raw ang dapat isuot ng mga social media influencers para maging mabuting huwaran
  • Aktwal na ibinebenta ang mga ito at maraming netizens naman ang natuwa sa mensahe sa shirts

Naging kontrobersyal ang isang brand ng t-shirt na ieendorso sana ng social media influencer na si Arlene ‘Leng’ Altura dahil sa hindi magandang tema nito. Sabi ng maraming netizens, bilang influencer o isang sikat na personalidad sa Internet, dapat daw ay gawing makabuluhan ang kanilang kasikatan.

Kaya naman ang isang netizen, nagbahagi ng mga t-shirt print na dapat daw ay isinusuot at ibinabandera ng mga influencers. Makabuluhan ang mga mensahe ng naturang mga t-shirt na talaga namang makapagbibigay ng inspirasyon at aral lalo na sa mga kabataan.

Larawan mula sa Do It Your Shirts

Ibinahagi ni Rommel Zabala sa kanyang Facebook post ang larawan ng ilang shirts na mayroong magandang mensahe. Ilan sa mga nakasaad sa shirt ay may kinalaman sa nutrisyon tulad ng “kain gulay” at “inom gatas.”

Mayroon ding mga shirt na patungkol sa mga makabuluhang gawain tulad ng “hugas plato,” “linis paligid,” “alaga hayop,” “gawa assignment,” “tipid tubig,” “pasok school,” at “tanim puno” na pumatok naman sa mga netizens.

Sa katunayan, agad na nag-viral sa social media ang post na ito ni Rommel at umabot lang naman sa 3,600 reactions at 10,000 shares habang isinusulat ang balitang ito. At ang mga shirt na ito ay totoong ibinebenta ng brand na Do It Your Shirts.

Positibo rin ang naging komento ng mga netizens at sinabing kung ganito ang makikitang suot ng mga kabataan ngayon, cool na ang porma at magiging mabuting halimbawa pa. Nagka-interes din ang ilan na bilhin ang nasabing shirt.

Larawan mula sa Do It Your Shirts

“Ganito dapat. Maging magandang halimbawa tayo sa mga kabataan at kapuwa natin. Puwede namang maging cool at uso nang may katuturan. Kudos sa gumawa nito,” pahayag ng isang netizen na nag-share ng post na natuwa sa Do It Your Shirts.

May iba namang netizens na nag-request ng mga statement na maaari pang idagdag ng Do It Your Shirts sa kanilang trending apparels. Sabi ng isa, dapat daw ay mayroon ding “laba damit,” “iwas puyat,” “tara gym,” at “ipon pera.”

Maganda nga naman!

Loading…