Kapuso reporters na sina Rida Reyes at Cedric Castillo, ikinasal na; Pangulong Rodrigo Duterte, dumalo

  • Ikinasal na ang mga Kapuso reporters na sina Rida Reyes at Cedric Castillo
  • Present sa simpleng seremonya ang mga kasalukuyan at dating news personalities ng GMA Network
  • Panauhing pandangal din sa kasal si Pangulong Rodrigo Duterte na game na nakipag-selfie sa guests

‘Walang kinikilingan’ hindi lamang sa larangan ng pagbabalita, kung hindi pati na rin sa pagmamahal ang dalawang GMA News and Public Affairs reporters na sina Cedric Castillo at Rida Reyes. Pinatunayan kasi nilang may ‘forever’ matapos ikasal nitong Pebrero 22 sa isang pribadong venue sa Antipolo, Rizal.

Simple man ang ginawang seremonya, marami naman ang kilig na kilig sa Kapuso reporters. At siyempre, dahil mga mamamahayag ang karamihan sa imbitado, agad na naibalita ang kanilang pag-iisang dibdib sa pamamagitan ng kani-kanilang social media accounts.

Larawan mula sa Facebook post ni Steve Dailisan

Ilan sa mga agad na nag-post sa Facebook, Twitter, at Instagram ay ang mga reporters na sina JP Soriano, Dano Tingcungco, Bernadette Reyes, at John Consulta, at Julius Segovia. Dumalo rin ang ilan pang haligi ng GMA News tulad nina Mel Tiangco at Vicky Morales.

Ngunit mas naging matunog ang kasalang Rida at Cedric dahil sa isa nilang naging panauhing pandangal. Ito ay walang iba kung hindi si Pangulong Rodrigo Duterte. Game na game na nakipag-selfie ang pangulo sa mga guest kabilang ang Kapuso reporters.

In-upload ng dating Kapuso journalist at piloto na ngayong si Steve Dailisan ang larawan nila nina Vicky at Mel kasama ang nakangiting si Pangulong Duterte. May selfie rin siya kasama ang iba pang reporters na agad namang kumalat sa social media.

Ikinasal ang dalawang GMA reporters matapos ang ilang buwan ng kanilang engagement. Ginawa ni Cedric ang pag-aalok ng kasal sa kasintahan noong Disyembre sa isang event na dinaluhan din ng mga bahagi ng GMA News and Public Affairs.

Larawan mula sa Facebook post ni Steve Dailisan

Naging emosyonal man si Rida sa hindi inaasahang proposal ng nobyo na ginawa sa harap ng kanilang mga katrabaho ay agad namang napa-oo si Rida. At matapos nga lang ang ilang buwan ay ganap na silang mag-asawa.

Sila ang ikalawang pares ng Kapuso reporters na nagkatuluyan. Matatandaang noong 2012, ikinasal din ang mga journalist at GMA anchors na sina Raffy Tima at Mariz Umali.

Loading…