Kara David, isa ring lector/commentator sa simbahan sa kabila ng abalang trabaho bilang journalist at propesor

  • Inilahad ni Kara David na maliban sa pagiging journalist at propesor, naglilingkod din siya sa simbahan
  • Isa siyang lector/commentator sa isang simbahan sa Quezon City, dalawa o tatlong beses sa isang linggo
  • Napasok daw siya sa paglilingkod sa simbahan sa payo na rin ng kanyang kaibigan na si Mariz Umali

Kapag pinag-usapan ang larangan ng pamamahayag, isa sa mga matunog na pangalan sa bansa ay si Kara David. Maliban kasi sa kanyang mga award-winning na documentaries at reports, pinaumpisahan niya rin ang isang foundation na tumutulong sa mga kapus-palad na makatapos ng pag-aaral.

Ngunit maliban sa kanyang Project Malasakit at pagiging isang propesor ng Journalism sa University of the Philippines (UP), may isa pang pinagkakaabalahan si Kara na talaga namang kahanga-hanga — ang pagsisilbi sa simbahan.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA Public Affairs

Sa isang episode ng Tunay na Buhay, ibinahagi ng I-Witness host na dalawa o tatlong beses sa isang linggo ay nagsisilbi siya sa Sacred Heart Parish Church sa Quezon City. Tumatayo siya rito bilang isang lector/commentator.

Ginagawa raw ito ni Kara tuwing umaga bago niya simulan ang kanyang kaliwa’t kanang trabaho sa iba’t ibang larangan. Kung minsan, kung wala raw choir sa kanyang misang dinadaluhan, siya na rin ang nagsisilbing taga-awit ng mga kantang pang-simbahan.

Nag-umpisa umano ang award-winning journalist sa kanyang pagsisilbi sa simbahan anim o limang taon na ang nakararaan. Sabi niya, dumanas daw siya ng isang suliranin at nakaranas ng matinding kalungkutan. Nagpapatingin naman daw siya noon sa espesyalista ngunit sinabi ng kanyang kasamahan sa GMA News at kaibigang si Mariz Umali na bakit hindi niya subukang magsimba.

Sinunod naman daw ni Kara ang payo ni Mariz. At sa simbahan niya natagpuan ang kasiyahang hinahanap. Simula raw noon ay nangako siya sa Diyos na maglilingkod na siya rito kaya naman ginagamit na rin niya ang kanyang tinig sa pagsisilbi sa Maykapal.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA Public Affairs

Sa pagtatapos ng panayam, sinabi ni Kara na ang aral ng kanyang buhay ay ang nalaman niyang ang lahat ng mayroon tayo ay biyaya mula sa Diyos. At kung nais daw nating magpasalamat sa biyayang natatanggap, ang pagmamalasakit sa kapuwa ang mabisang daan.

“Magdasal kasi bigay ng Diyos ang lahat. Magpasalamat kasi ang buhay ay isang biyaya. At kung gusto mong tunay na makapagpasalamat sa Diyos at sa mundo, magmalasakit ka sa kapuwa mo,” pahayag ni Kara.

Panoorin ang panayam kay Kara David ni Pia Arcangel and be touched!

Loading…