Kara David nag-umpisa lang bilang kapalit ng mga absent na reporter bago sumikat; nadiskubre ni Jessica Soho

  • Isinalaysay ni Kara David ang kanyang umpisa bilang isang Kapuso at paano siya naging reporter
  • Researcher lang daw noon si Kara nang isabak siya ni Jessica Soho sa field reporting
  • Natuwa naman daw si Jessica sa kanyang performance at na-promote siya bilang writer at kalaunan ay reporter kapalit ng mga absent na field journalists

Isa ang pangalan ni Kara David sa mga nirerespetong pangalan sa larangan ng pamamahayag sa bansa. Ang kanyang mga naiuwing parangal sa loob at labas ng bansa ay malaking patunay na isa siya sa pinakamahusay na dokumentarista at journalist sa Pilipinas. Isama pa ang kanyang mga adbokasiya na nakatutulong sa maraming Pilipino.

Ngunit ang magandang karera ni Kara bilang journalist ay nagsimula sa hindi inaasahang pagkakataon.

Sa isang episode ng GMA Public Affairs show na Tunay na Buhay, ikinuwento ni Kara na hindi talaga siya nag-umpisa bilang reporter kung hindi bilang isang production assistant at researcher.

Larawan mula sa YouTube

Pumasok siya sa GMA noong 1995 bilang PA at researcher para sa senatorial elections coverage ng GMA. Isang gabi raw, habang nagta-transcribe siya sa opisina, tumawag ang isa pang haligi ng GMA News na si Jessica Soho. Dahil mag-isa na lamang sa opisina, napilitan daw si Jessica na ipadala si Kara sa coverage para sa isang lumubog na barko.

Dahil naging maganda ang interview ni Kara para sa nasabing insidente, natuwa sa kanya si Jessica at sinabi sa isa pang boss ng GMA News na si Marissa Flores na marunong palang magsulat si Kara kaya na-promote siya bilang writer ng Brigada Siete.

Tuluyan daw siyang naging reporter dahil sa kakulangan ng mga journalist na magko-cover ng APEC Summit noon. Biro pa nga ni Kara, ang naging papel niya raw talaga noon sa GMA ay ang pagpalit sa mga absent na reporter.

Nang pumatok sa mga manonood ang mga kuwentong likha ni Kara, tuluyan siyang naging isang dokumentarista para sa I-Witness noong 2001 kung saan nagkamit siya ng iba’t ibang parangal kabilang ang 2010 George Foster Peabody Award na ikalawang parangal na nakuha ng isang Pilipino.

Larawan mula sa Instagram account ni Kara David

Ngayong 2020, nakatakdang magdiwang si Kara ng ika-25 na taon bilang isang Kapuso reporter at patuloy na mapapanood sa iba’t ibang GMA News shows kabilang ang I-Witness, Pinas Sarap, at Brigada.

Patuloy rin sa pagtulong si Kara sa mga mahihirap nating kababayan upang makapagpatuloy ng pag-aaral sa kanyang foundation na Project Malasakit na nakapagpatapos na ng ilang katutubong Mangyan na ngayon ay mga propesyonal na.

Labis ang hatid mong inspirasyon, Ms. Kara!

Loading…