“Karera ng Tao” na nauusong pustahan sa Tondo, minamanmanan ng pulisya

  • Isang uri ng karera sa kalsada ang nauuuso sa Tondo, Maynila
  • Ang “Karera ng Tao” ay kadalasang ginagawa sa isang maluwag na kalsada sa tuwing dis-oras ng gabi
  • Posible umanong ginagawang pustahan sa social media ang “Karera ng Tao”

Minamanmanan ngayon ng pulisya ang nauusong “Karera ng Tao” na diumano’y ginagawang pustahan na ang transaksyon ay nagaganap sa social media.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa isang video na kuha ng isang Poyski Nicolas na ibinahagi sa ABS-CBN, makikita ang dalawang lalaking “runner” na nag-unahang makarating sa isang itinakdang finish line sa kahabaan ng Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila.

Ayon sa pulisya na nakasasakop sa lugar, napansin nilang nagkakaroon ng pagbagal ng trapiko doon at nang mag-usisa kung ano ang dahilan ay nakita nila ang maraming tao na nanonood ng karera na halos nasa gitna na ng kalsada.

“Napansin lang namin na medyo bumagal ‘yung trapiko dun sa bandang unahan kaya tiningnan namin kung saan nanggagaling ’yung pagsisikip ng ating kalsada. Ayun nga, nakita nating ang daming tao dito kaya minabuti namin na lapitan sila. Pagdating namin, nagpulasan na sila. Kanya-kanyang takbo,” sabi ni P/Capt. Joseph Jimenez, Station Duty Officer, MPD Station 7.

May naganap ring karera ng tao sa Moriones Street at sa Road 10, subalit sa tuwing dumarating ang mga awtoridad ay agad nagpupulasan ang mga sangkot sa karera. Walang ibang magawa ang kapulisan kundi pauwiin na lang ang mga taong nanonood.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sinabi ni Capt. Jimenez na hindi nila maaaring kasuhan ang mga taong naaabutan sa pinagdarausan ng karera dahil wala silang ebidensya na ginagawa itong sugal.

Sa isang Facebook page – ang “KNT Karera ng Tao” – unang nakita ang mga video ng nasabing karera, subalit ginawa na itong private group at hindi na ma-access ng publiko.

Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…