Kris Bernal, engaged na sa kanyang non-showbiz, businessman boyfriend

  • Engaged na ang Kapuso actress na si Kris Bernal sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Perry Choi
  • Ginawa ang proposal sa mismong birthday party ng nobyo ni Kris
  • Siya ang nag-organize ng birthday party ngunit siya ang nasurpresa sa proposal ng boyfriend

Mayroong panibagong celebrity ang madaragdag sa listahan ng mga engaged at soon-to-be-married. Ngayon naman, ang StarStruck season 4 Ultimate Sweetheart na si Kris Bernal ang magiging abala sa paghahanda para sa kanyang nalalapit na kasal.

Engaged na kasi siya sa kanyang non-showbiz at businessman boyfriend na si Perry Choi. Isang surpresa ang inihanda ni Kris para sa kaarawan ng boyfriend sa isang restaurant sa Makati City. Ang hindi alam ng Kapuso actress, siya pala ang magkakaroon ng big surprise dahil magpo-propose na pala ang kanyang nobyo sa kanya.

Larawan mula sa Nice Print Photo

In-upload ng kilalang photography company na Nice Print Photo sa kanilang social media accounts ang larawan ng paghingi ni Perry sa kamay ni Kris upang pakasalan ito. Binigyan siya ng nobyo ng maraming sunflowers habang ang mga kaibigan nila ay may hawak na lobong may mensaheng “Will You Marry Me.”

Gulat na napaluha naman si Kris sa ginawa ng kanyang boyfriend at sumagot naman ito ng kanyang matamis na ‘yes.’

Nasa tatlong taon na rin ang relasyon nila ng kanyang boyfriend na itinuturing ni Kris na pinakamalaking biyaya sa kanya dahil nagkaroon daw siya ng isang matapat at mabuting nobyo sa katauhan ni Perry.

Sa isang panayam sa GMA News noong Hulyo 2019, sinabi ng 30-year-old Kapuso drama actress na nais niyang magpakasal sa loob ng dalawang taon o kapag nasa 32-anyos na siya. Napag-uusapan na rin daw nila noon ni Perry ang kanilang future kabilang na ang pagpapakasal.

“May mga plano na din pero kasi respected naman niya ‘yong work ko eh so parang gusto mo pa gawin ‘yan gawin mo pa. Siyempre gagawin ko hangga’t nabubuhay ako. Gusto ko trabaho ko eh,” pahayag ni Kris noong 2019.

Larawan mula sa Instagram account ni Kris Bernal

Sinabi rin ni Kris na oras na ikasal siya ay pangarap niya rin na magkaroon ng maraming anak. Kilala rin si Kris sa pagiging isang businesswoman at marami nang naipundar na ari-arian kabilang ang house and lot sa Amerika.

Kamakailan lamang din ay nagpasalamat si Kris sa kanyang fans sa pag-abot niya ng mahigit na 100,000 subscribers sa kanyang YouTube account at ipinangakong mamimigay siya ng isang natatanging papremyo sa masuwerteng tagasubaybay niya sa kanyang vlog.

Loading…