Labor groups, inalmahan ang ‘stay at home’ na panawagan ng HK govt sa mga domestic helpers doon

  • Inalmahan ng ilang labor groups ang panawagan ng Hong Kong Labor Department na manatili na lamang ang mga foreign domestic workers sa bahay sa araw ng kanilang pamamahinga
  • Ito ay upang maiwasan na rin ang malawakang paglaganap ng 2019 coronavirus na may naitala na ring kaso sa Hong Kong
  • Gayunman, may negatibong ipinapahiwatig ang panawagang ito lalo na sa usapin ng karapatan ng mga manggagawa sa mga araw ng kanilang pamamahinga

Nanawagan ang Hong Kong Labor Department sa mga foreign domestic workers (FDHs) doon na manatili na lamang sa bahay at magpahinga kung rest day ng mga ito. Ang panawagang ito ay may kaugnayan sa banta ng patuloy na paglaganap ng 2019 coronavirus (nCoV).

Imahe mula sa Pixabay

Ayon sa report ng ABS-CBN, pinaalalahanan din ng gobyerno ng Hong Kong ang mga employers na huwag pagtrabahuhin ang mga FDHs sa araw ng kanilang pamamahinga.

Ang mga domestic helpers naman na kailangang lumabas ng bahay ay dapat na magsuot ng surgical mask at iwasang pumunta sa matataong lugar nang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat ng nCov.

Gayunman, ang ganitong advisory ay inalmahan ng Mission for Migrant Workers (MFMW) dahil ang dapat sanang gobyernong mangangalaga sa mga FDHs ay siyang lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa sa usapin ng day offs o holidays.

Binigyang-diin din ni Cynthia Abdon, general manager ng MFMW, na paano matitiyak ng gobyerno ng Hong Kong na hindi pagtatrabahuhin ang mga FDHs kung mananatili sila sa bahay na kanilang pinagtatrabahuhan sa araw ng kanilang pamamahinga.

Tuwing araw ng pamamahinga, marami sa mga FDHs ang lumalabas ng bahay at nakikipag-bonding sa kanilang mga kalahi.

Dagdag pa ni Abdon, sa halip na ipanukala na atasan ang lahat ng employers na bigyan ng face mask at sanitizer ang kanilang mga empleyado ay ang hindi pagpapalabas sa mga FDHs ang una nilang solusyon.

Imahe mula sa Wikipedia (Ohconfucius )

Maging ang Asian Migrants’ Coordinating Body ay tinuligsa ang panukala ng gobyerno ng Hong Kong. Ayon sa spokesperson nito na si Eman Villanueva, ipinapakita lamang nito ang pagiging iresponsable at hindi patas na pamamahala ng gobyerno.

Source :

ABS-CBN

Loading…