Lalagyan ng condiments at sawsawan sa isang Inasal resto, hango sa bote ng mga kilalang alak sa bansa

  • Patok sa social media ang larawan ng kakaibang lalagyan ng sawsawan at condiments sa isang inasal resto
  • Hango kasi ito sa bote ng mga sikat na inuming alak sa bansa ngunit ang nakalagay talaga ay chicken oil, toyo, at suka
  • Maliban dito, ang menu rin nila ay hango sa jeepney signage kaya naman marami ang natutuwa sa nasabing resto

Mula sa pagiging paboritong inihaw dish ng mga Ilonggo, nahuli rin ng inasal ang panlasa ng mga Pilipino sa buong bansa. Mula sa malalaking kainan, hanggang sa mga karinderya ay mayroong hinahaing bersiyon ng kanilang inasal o inihaw na manok.

Ngunit ang isang inasal restaurant sa Los Baños, Laguna ay trending sa social media hindi lamang dahil sa nakatatakam nilang inihaw dishes kung hindi maging sa kakaibang gimik nila sa lalagyan ng condiments at pang-sawsawan.

Larawan mula sa Facebook page ng Joe’s Inasal

Iba’t ibang social media pages ang nagbabahagi ng larawan ng lalagyan Joe’s Inasal ng chicken oil, suka, at toyo na hindi ordinaryong bote lamang. Hinango kasi nila ito sa mga sikat na bote ng alak sa bansa tulad ng San Miguel, Red Horse, at Ginebra.

Sa isang malaking bote na kahawig ng San Mig Light ang chicken oil na kilalang kapares ng kanin at manok kapag kumakain ng inasal. Hindi rin mawawala ang toyo na nakalagay sa maliit na bote ng beer na Red Horse habang ang suka naman ay nakalagay sa kilalang gin brand na Ginebra.

Isa sa mga nag-upload ng larawan ay ang page na University of Philimemes. Inulan ng komento mula sa mga inasal l0vers at mahilig tumoma ang post. Ayon sa kanila, napakaangas daw ng konsepto ng nasabing kainan at hanga sila sa creativity ng nakaisip nito.

May ilan namang nagsabi na ito na raw ang pinakamasarap na bote ng inumin na nakita nila. Hindi ka na raw magkakatama sa mga ito ay mabubusog ka pa dahil karaniwang unli rice ang mga inasal resto sa bansa.

Larawan mula sa Facebook page ng Joe’s Inasal

Ngunit hindi lamang ang kanilang lalagyan ng sawsawan ang kakaiba. Maging ang menu nila ay nakasulat sa tanyag na jeep signage na lalong nagbigay ng kulay sa eating experience ng kanilang mga parokyano. Dahil dito, dinarayo na raw ang kanilang resto dahil Instagrammable na rin ang buong lugar.

Matatagpuan ang Joe’s Inasal sa LB Square Parkway, Lopez Avenue, Los Baños, Laguna at bukas sila mula 11 ng umaga hanggang 11 ng gabi.

Loading…