Larawan ng mga “theater babies” ng isang paaralan, kinaaliwan

  • Itinampok ng isang guro ang kaniyang mga mag–aaral sa Special Program for Theater Arts
  • Bukod sa magagandang ngiti sa mga labi, nakaaaliw din ang mga hawak nilang caption na nagsasaad ng kanilang mga napipisil na future sa teatro
  • Labis–labis naman ang pagmamalaki sa kanila ng guro na tinawag niyang “theater babies”

Isa ang dulaan o pagtatanghal sa teatro sa mga anyo ng sining na talaga namang nakapagbibigay ng kasiyahan at kaaliwan sa mga tao; gayundin, ito ay nagsisilbing salamin o repleksyon ng isang lipunan. Bago pa man ang mga artistang gumaganap sa mga pelikula at teleserye, mas naunang minahal ng mga tao ang panonood ng dulaan, na itinuturing na isa sa mga klasikong porma ng panitikan.

Itinampok sa Facebook post ng isang guro, artista, direktor sa teatro, at “ulirang guro sa Filipino” ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Winnaflor Gaspar ang kaniyang mga estudyanteng tinawag niyang “theater babies” na kabilang sa  SPA Theater Arts ng Batasan Hills National High School sa Lungsod ng Quezon.

Imahe mula sa Facebook account ni Winnaflor Gaspar

Bukod sa nakatutuwang mga ngiti sa labi ng mga theater babies, nagdulot din ng aliw at inspirasyon ang mga hawak na caption ng bawat mag–aaral. Bawat isa, tila alam na alam at tiyak na ang kanilang future sa teatro. Marami sa kanila ang nagnanais na maging artist director, musical director, technical director, broadway actress, choreographer, costume designer, at make–up artist.

At syempre, hindi rin nagpahuli ang kanilang guro at direktor na si Bb. Gaspar. Ang hawak naman niyang caption ay “#Tagatupad ng future ninyo”. Nag–iwan din siya ng mensahe para sa kaniyang mga mag–aaral.

“Sa aking mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa sining, sa SPA theater arts, lubos ko kayong pinasasalamatan sa inyong pagmamahal sa sining. Gaya nga ng lagi nating bukambibig, ‘lumikha ng sining at paalabin ang makabayan mong damdamin, ang yabang ay tanggalin dahil ang SPA ang kinabukasan”. Isapuso ang lahat ng natutuhan sa teatro. Padayon!,” ayon sa guro.

Mahusay, mga SPA theater babies ng BHNHS! Nawa ay pamarisan kayo ng inyong kapwa kabataan!

Imahe mula sa Facebook account ni Winnaflor Gaspar

Loading…