Larong Pinoy with a twist: Lalaking sumali sa sack race, nag-tumbling sa kalagitnaan ng karera

  • Trending sa social media ang video ng isang lalaki na binigyan ng kakaibang twist ang larong sack race
  • Sa kalagitnaan kasi ng karera, bigla na lamang nag-tumbling ang lalaki pabalik sa kanyang mga kakampi
  • Agad namang na-viral sa social media ang video at umabot ng milyong views wala pang isang araw matapos i-upload

Bahagi na ng kabataan, maging ng matatanda, ang mga larong Pinoy. Maraming tradisyonal na laro na naipasa ng ating ng mga ninuno na tunay naman nagbibigay ng kasiyahan at bumuo ng maraming pagkakaibigan.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nilalaro ang mga Larong Pinoy o Laro ng Lahi. Madalas ay bahagi ito ng mga team building o mga aktibidad sa paaralan katulad ng mapapanood sa viral video ng netizen na si Leanne Marie.

Larawan mula sa Facebook video ni Leanne Marie

Ibinahagi niya sa kanyang Facebook account ang paglalaro ng mga kamag-aral ng sack race. Ngunit imbes na normal na takbo habang nakasuot ang sako sa mga paa ang ginawa ng isang manlalaro, binigyan niya ito ng kakaibang twist at nag-tumbling sa gitna ng karera.

Nakaikot na sa poste ng tanda ang lalaking nakikipag-unahan sa kanyang katunggali. Agad namang siyang naguna kaya naman nang pabalik na sa base ay bigla na lamang itong nag-tumbling ng tatlong beses hanggang makabalik sa iba niyang kakampi.

Nagbigay saya ito sa mga nakapanood kaya naman wala pang isang araw na naka-upload ang video ni Leanne Marie ay umabot na ito sa higit 1 milyon na views sa Facebook. Dumagsa na rin ang reactions na umabot na sa 60,000 habang ang komento ay nasa 8,000 at 53,000 shares.

Kanya-kanya namang komento ang mga netizens na talaga namang na-good vibes ng kakaibang diskarte ng lalaki sa paglalaro ng sack race. Marami ang nagta-tag sa kanilang mga kaibigan at minamahal upang mapanood ang video habang ang ilan naman ay tila hinahamon ang mga kakilala na gawin ang katulad na istilo ng paglalaro ng sack race.

Larawan mula sa Facebook video ni Leanne Marie

Sabi ng ilang netizens, dapat daw ay ganito rin ang gagawin nila sa kanilang physical education para naman mas maging masaya ang kanilang paglalaro. Biro naman ng isa, puwede na raw isabak ang lalaki sa Olympics at itapat kay Carlos Yulo na isang gymnast.

“Hahahaha. Hanep. Pang-olympics ang skills. Baka mag-resign na nito si Yulo ah. Lol,” pahayag ng isang social media user na napatawa at namangha na rin sa husay ng lalaki.

Panoorin ang video ng kakaibang sack race na may bonus pang pa-tumbling:

Sack race ba hanap nyo? HAHAHAHAHAHHAAHHAAHHAHAHA pamugasay maning styla ?

Posted by Leanne Marie on Tuesday, February 25, 2020

Loading…