Mag-ingat: Isang uri ng ‘nCoV’ computer virus, maaaring makasira ng files at makakuha ng personal na datos

  • Maging sa computer files ay mayroon na ring tinatawag na ‘nCoV computer virus 
  • Ito raw ay mga files na tungkol sa nasabing virus at kapag na-download ay maaaring makakuha ng impormasyon mula sa computer
  • Pinag-iingat ang publiko sa pagda-download ng mga files lalo na mula sa mga hindi mapagkakatiwalaang sources

Naaalarma ngayon ang buong mundo dahil sa pagkalat ng 2019 novel (new) corona virus o nCoV. Mayroon nang kas0 ng virus na ito sa maraming bahagi ng Asya tulad ng China, Taiwan, Singapore, at maging sa Pilipinas.

At habang pinag-iingat ang publiko sa posibleng pagkalat ng karamdamang ito, ngayon naman ay kumakalat ang isang uri ng ‘nCoV’ computer virus na maaari raw makaapekto sa files at maaari pang makakuha at makakopya ng personal na impormasyong nakalagay sa computer.

Larawan mula sa Pexels

Inilabas ng cybersecurity company na Kaspersky ang isang ulat na nakakita sila ng isang uri ng malisyosong computer files na nagpapanggap na isang dokumentong mayroong kinalaman sa bagong corona virus. Karaniwan daw na uri ito ng file na sinasabing mga paraan upang proteksyonan ang sarili tungkol sa nCoV ngunit nakapipinsala pala ito ng files sa isang computer.

“The names of files imply that they contain video instructions on how to protect yourself from the virus, updates on the threat and even virus detection procedures, which is not actually the case,” sabi ng Kaspersky sa isang press release.

Makikita ang nCoV computer virus bilang iba’t ibang file format tulad ng pdf, mp4 o video file, at docx o word document file. Kapag na-download at nabuksan ang nasabing file, kakalat ang Trojan sa computer at maaaring makasira ng files o makapagbago ng mga ito. Mas pinag-iingat ang publiko sa maaaring pagkopya ng mga impormasyong nakalagay sa computer, kabilang ang mga password.

Sa ngayon daw ay umaabot pa lamang sa 10 kakaibang nCoV computer files ang nakikita ng Kaspersky ngunit posible raw na dumami pa ang uri ng files at virus na malikha ng mga cyberspace hackers na ito lalo na’t kalat na rin ang tunay na nCoV sa buong mundo at ang lahat ay gusto makakita ng paraan upang makaiwas.

Larawan mula sa Pexels

Kaya naman pinag-iingat nila ang mga netizens at huwag basta maniwala sa mga nababasang artikulo sa Internet lalo na iyong may mga pinada-download sa kanila dahil malaki ang tsansa na ito na ang nCoV computer virus.

Loading…