Magkasintahan, nagpakasal 2 araw matapos ang kanilang viral wedding proposal sa loob ng convenience store

  • Nagpakasal na ang magkasintahang sina Joemar Reyes at Isabel Banahan dalawang araw matapos ma-upload ang kanilang viral wedding proposal video sa social media
  • Sa ulat ng Bayan Mo, Ipatrol Mo ng ABS-CBN, inamin ng bride na hindi niya inakalang magiging mabilis ang proseso ng pagpapakasal nila ng kaniyang boyfriend
  • Naihanda na pala ni Joemar ang lahat ng kinakailangan nilang papeles bago pa man ang proposal nito na ginanap sa loob ng convenience store kaya naman nakahabol ang dalawa sa kasalang bayan

Unang pinakilig ng noo’y magkasintahan na sina Joemar Reyes at Isabel Banahan ang maraming netizens dahil sa kanilang viral wedding proposal sa loob ng isang 7-Eleven store sa Mandaluyong noong February 12.

Imahe mula sa Facebook video ni DM Barreno Cortez

Dalawang araw matapos ang kanilang pagsikat sa social media, ginulat nina Joermar at Isabel ang lahat dahil naisakatapuran na rin agad ng dalawa ang kanilang pag-iisang dibdib.

Sa isang post mula sa Bayan Mo, Ipatrol Mo ng ABS-CBN sa Facebook, kinumpirma ng dalawa na sila ay pawang mister at misis na.

Hindi umano akalain ng bride na agad silang makapagpapalitan ng “I do” dahil ilang araw pa lamang noon nang maganap ang kanilang wedding proposal.

“Di ko talaga expect na mangyayari yon kasi, walang wala din kami sa buhay. Di ko akalain na magagawa niya pa rin akong yayain magpakasal,” ayon kay Isabel.

Hinanda na pala ng noo’y boyfriend na si Joemar ang mga kinakailangan nilang papeles at dokumento sa kasal bago pa man mangyari ang nasabing proposal.

Dahil dito, nakahabol ang dalawa sa kasalang bayan na ginanap sa Maynila.

Araw ng mga Puso o February 14 ang wedding anniversary nina Joemar at Isabel kasama ang iba pang mga pares na ikinasal sa harap mismo ni Manila City Mayor Isko Moreno.

Imahe mula kay Isabel Reyes | mula sa Bayan Mo, Ipatrol Mo sa Facebook

Nag-uumapaw naman sa saya si Isabel dahil naganap na ang pag-iisang dibdib nila ni Joemar at magkaagapay nilang palalakihin ang kanilang tatlong buwang gulang na anak.

Ayon sa misis, marami na silang pagsubok na pinagdaanan at panahon naman para harapin nila ang mga iyon kasama ang binubuo nilang pamilya.

Loading…