Marcelito Pomoy binigyan ng hero’s welcome sa Calauag, Quezon

  • Marcelito, sinalubong na parang isang bayani sa Calauag, Quezon
  • Dinumog ng mga excited na tagahanga ang motorcade ni Marcelito sa nasabing bayan
  • Nagpaunlak ng dalawang kanta si Marcelito sa mga fans – ang “The Prayer” at “Despacito”

Isang hero’s welcome ang isinalubong ng bayan ng Calauag sa Quezon sa singing sensation na si Marcelito Pomoy, na nagtapos bilang 3rd runner up sa katatapos lang na America’s Got Talent: The Champions.

Imahe mula kay Calauag Mayor Rosalina Visorde

Ayon sa hepe ng pulisya ng nasabing bayan na si Maj. Jaytee Tiongco, masayang sinalubong ng mga mamamayan ng Calauag ang motorcade ni Marcelito. Dinumog umano siya ng mga excited na mga tagahanga na parang isang bayaning nagbalik sa kanilang bayan.

Si Marcelito ay matagal nang residente ng Calauag kung saan niya nakilala ang asawang si Joan Paraiso, ayon kay Maj. Tiongco. Dumating umano ang mag-asawa sa Calauag mula sa Amerika noong nakaraang linggo.

Pagkatapos ng motorcade, pinarangalan siya ng mga opisyal ng lokal na  pamahalaan na pinangunahan ni Mayor Rosalina Visorde. Inabot ng alkalde ang isang plaque of recognition kay Marcelito, na kilala sa Calauag sa palayaw niyang “Mars.”

“Isang karangalan para sa bayan ng Calauag ang ipinakita niya para makilala ang bansa sa larangan ng pag-awit. Si Pomoy ay nagsilbing inspirasyon sa bawat Pilipino lalo’t higit sa mga kabataan na may talento sa pag-awit,” ani Mayor Visorde.

“Nagsilbi din siyang instrumento sa pag-uugnayan ng iba’t ibang lahi,” dagdag pa ng alkalde.

Imahe mula kay Calauag Mayor Rosalina Visorde

Pinasalamatan naman ni Marcelito ang mga mamamayan ng Calauag sa ibinigay nilang suporta noong nakikipaglaban pa siya sa AGT: The Champions. Nagpaunlak pa siya ng dalawang kanta – ang “The Prayer” at “Despacito” na ikinasiya ng mga tagahanga.

Nakatakdang mag-show si Marcelito sa siyam na states sa America simula June hanggang August ngayong taon.

 

Loading…