Marcelito Pomoy sa payo ni Simon Cowell para sa AGT: The Champions final round: “Mag-split kaya ako habang kumakanta?”

  • Tumatak sa isipan ni Marcelito pomoy ang payo sa kanya ni Simon Cowell sa AGT: The champions semi-final round
  • Sabi ni Cowell, kailangan ni Marcelito na “sumugal ng mas malaki” kung papalaring makapasok sa final round
  • Ang pabirong sagot ni Marcelito sa payo ni Cowell: “Mag-split ako habang kumakanta para maiba”

Pasok na sa finals ng America’s Got Talent (AGT): The Champion ang pambato ng Pilipinas na si Marcelito Pomoy matapos siyang iboto ng AGT Superfans dahil sa galing ng performance niya sa semi-final round ng contest.

Screenshot mula sa video ng AGT The Champions

Napabilib ni Marcelito ang mga audience at apat na judges sa napakahusay na rendisyon niya ng duet ni Andrea Bocelli at Sarah Brightman na “Time to Say Goodbye.”

Sabi nga ni Howie Mandel, isa sa mga hurado, si Marcelito ang may pinakamalaking tsansa na manalo sa AGT: The champions ngayon.

Ang pahayag ni Mandel ay ikinagulat ng marami dahil ang V. Unbeatable, isang dance group mula sa India, ang binigyan niya ng “Golden Buzzer.”

Si Simon Cowell naman ay nagbigay ng payo kay Marcelito pagkatapos ng kanyang performance. Dahil wala na raw ang “surpresa” ay kailangan ni Marcelito na “sumugal ng mas malaki” kung papalaring makapasok sa final round.”

“If you make the final, I think you’ve got to take a bigger risk, because the surprise is now over,” payo ni Cowell kay Marcelito.

Screenshot mula sa video ng AGT: The Champions

Ang “surprise” na binanggit ni Cowell ay ang kakayahan ni Marcelito na gumamit ng boses babae at boses lalaki na ikinagulat ng marami nang una siyang marinig na umawit.

Sa isang panayam, tila sang-ayon naman si Marcelito sa sinabi ni Cowell. Pinag-iisipan na raw niya ngayon kung ano ang gagawin sa final round para naman maiba.

“Iyon nga ang inisip ko: Ano kaya gagawin ko? Ta-tumbiling kaya ako? Mag-split ako habang kumakanta? Para maiba!” pabirong sabi ni Marcelito.

Screenshot mula sa video ng AGT: The Champions

Seryoso naman niyang sinabi na nag-submit na siya ng listahan ng mga gusto niyang kanta sa AGT producers, na gagawa naman ng musical arrangement para sa mapipiling kanta.

Ibinida ni Marcelito na napalundag siya sa saya nang mapabilang sa mga finalists dahil hindi raw niya iyon inaasahan.

Sa komento naman ni Cowell na ““But I do believe that with the gift like you’ve got, you’ve got a massive career in front of you. I really, really do,”  ganito naman ang reaksyon ni Marcelito: “Ito ang hiling ko kay God: kung anuman ang binigay Niya sa akin, iyon ay tatanggapin ko nang kusang-loob.”

Loading…