Matandang pulubi ibinigay ang huling tres pesos niya sa namamalimos din; binigyan ng transformation dahil sa kabutihan

  • Hinangaan ang isang matandang pulubi dahil sa kabutihan nito
  • Ibinigay niya kasi ang huli niyang pera sa isang lalaki na namamalimos din sa kanya
  • Iyon pala, isang vlogger ang nanghingi sa kanya ng piso at binigyan siya ng premyo dahil sa kanyang kabutihang loob

Nakilala ang vlogger na si Jose Hallorina sa kanyang mga social experiment tungkol sa mga simpleng tao. Kadalasan, kung sino ang magpapakita ng kagandahang loob ay siyang tutulungan ng vlogger na mayroon nang 1.26 million subscribers sa kanyang channel.

Sa pinakabagong video ni Jose, isang matandang pulubi sa Quezon City ang kunwari ay hiningian niya ng tulong. Nanghingi siya sa matanda ng piso upang makumpleto ang kanyang pamasahe pauwi ng Pangasinan. Nagpanggap kasi si Jose bilang isang pulubi din.

Larawan mula sa YouTube video ni Jose Hallorina

Sa gulat ng vlogger, tatlong piso na lang daw ang pera ng matanda na ang pangalan daw ay Tatay Rodolfo. Ngunit hindi problema sa kanya ang kaunting salapi dahil marami naman daw ang nagbibigay sa kanya ng makakain na mas mahalaga para sa matanda.

Hindi rin nag-atubili ang matanda na ibigay ang natitira niyang tatlong piso kay Jose na nagpapanggap bilang palaboy din. Piso lamang ang hinihingi ni Jose ngunit bukal sa loob na ibibigay ng matanda sa vlogger ang kanyang tatlong piso.

Naantig si Jose sa kabaitan ng matanda. Ayon sa kanya, si Tatay Rodolfo ang tunay na mayaman dahil sa kabutihan ng pus0 nito. Sa tuwa niya, binigyan niya ng limang libong piso ang matanda na hindi naman makapaniwala.

Ilang araw matapos ang vlog, binalikan ni Jose ang mabuting palaboy. Ngayon naman, isang makeover ang ang ibinigay sa kanya ng vlogger. Pinaligo nila si Tatay Rodolfo at Pinagupitan nila ang matanda na limang taon nang hindi nakapupunta sa barbero. Binihisan din nila ang matanda at pinakain sa isang restaurant.

Larawan mula sa YouTube video ni Jose Hallorina

Laking gulat ng mga netizens sa malaking pagbabago ng matanda. Kitang-kita ang maamong mukha ni Tatay Rodolfo na hindi mo na aakalain ngayon na isang palaboy. Masaya rin ang matanda sa magandang biyayang natanggap.

Maraming netizens din ang humanga kay Tatay Rodolfo. Patunay lang daw ang matanda na walang pinipiling estado ang pagiging mabuti. Minsan, kahit ang mga walang-wala na ang handang ibigay ang huling sentimo na mayroon sila upang makatulong sa mas nangangailangan.

Panoorin ang video ni Jose at ang kabutihan ni Tatay Rodolfo:

Loading…