Meme na nagkatotoo: Jericho Rosales, naglunsad ng kanyang ‘Echo Bag’ para sa charity

  • Tinotoo ng aktor na si Jericho Rosales ang ‘Echo bag’ na meme sa kanya
  • Nagbebenta na siya nito online para sa kanyang chosen charity
  • Sa ngayon ay sold out na ang ‘Echo bag’ ngunit muli namang magbubukas para sa pre-order

Noong nakaraang taon ay nag-viral sa social media ang meme na kinatatampukan ng aktor at singer na si Jericho Rosales. Dahil sa kanyang palayaw na Echo, gumawa ang mga netizen ng meme na mayroong imprentang mukha niya ang isang eco bag na tinatawag nilang ‘Echo bag.’

Ngunit matapos ang ilang buwan, ang dating meme ay isa nang realidad ngayon. Ang dating katuwaan lamang sa Internet ay mayroon nang magandang layunin na makatulong sa mga nangangailangan. Inilhad ng photographer na si Karen De La Fuente ang balitang ito sa kanyang Instagram account.

Larawan mula sa Instagram account ni Karen De La Fuente

Sinabi niyang ang larawang kuha niya ang opisyal na ginamit sa ‘Echo bag’ na proyekto ni Jericho at kanyang team na nagbebenta ng mga tote/eco bag na may mukha ng aktor. Ayon sa website kung saan maaaring bumili ng ‘Echo bag,’ gagamitin daw nila ang kanilang benta sa chosen charity ni Jericho.

Nagkakahalaga ang ‘Echo bag’ ng P300 na maaaring i-pre-order sa website na ginawa ng team ni Echo. Ngunit habang isinusulat ang balitang ito, tila sold-out muna sa ngayon ang ‘Echo bag’ dahil dumagsa raw ang order.

Pansalamantala raw muna nilang ihihinto ang pagpapatala sa pag-pre-order ng mga bag upang mabigyan ng daan ang paglikha ng kanilang mga bag. Muli naman daw nilang bubuksan ang pagbebenta ng bag na iaanunsiyo sa Instagram account ni Echo.

“Thank you so much for your support on our side project. We’re so overwhelmed by your response and we’re working hard to fulfill all your orders. Unfortunately, we have to close pre-orders in the meantime to give way for production. Please follow @mrmanileno on Instagram for further updates!” sabi ng post.

Larawan mula sa Instagram account ni Jericho Rosales

Ang unang batch daw ng pondong malilikom ng team ni Jericho mula sa ‘Echo bag’ sales ay mapupunta sa charity na Waves 4Water. Ito ay isang organisasyon na tumutulong sa mga tao sa iba-ibang sulok ng mundo para magkaroon ng access sa malinis na tubig.

Natuwa naman ang fans ni Jericho sa kanyang magandang proyekto. Napatunayan daw ng aktor na kayang-kayang maging kapaki-pakinabang maging ng isang meme upang makatulong sa iba. Aabangan daw nila ang muling pagbubukas ng pagtitinda ng Echo Bag.

Loading…