Mga motorcycle taxi irerekomendang ipagbawal ng MMDA sa EDSA, national roads

  • Mga motorcycle taxi balak ng MMDA na ipagbawal sa mga pangunahing kalsada
  • Maiiwasan ang mga hindi kinakailangang disgrasya kung nasa inner roads ang mga motorcycle taxi
  • Ang mga motorcycle taxi lang ang pagbabawalan, ang mga pribadong motorcycle rider ay papayagan pa rin sa mga pangunahing kalsada

Pinag-iisipan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal sa kahabaan ng EDSA at sa iba pang national roads ang mga motorcycle taxi kung sakaling maging legal na ang mga ito upang iwas-aksidente.

Imahe mula sa Facebook page ng Angkas

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na kung sakaling payagan ng Kongreso ang mga motorcycle taxi ay imumungkahi ng ahensya na ipagbawal ang mga ito sa mga pangunahing kalsada.

“Hindi mo puwedeng isabay ‘yan sa mga bus. Kung ang tricycle, 3 na ang gulong, bawal sa national road, lalo na itong mga motorcycle taxi,” katwiran ni Garcia.

Aniya, mas maiiwasan ang mga hindi kinakailangang disgrasya kung nasa inner roads ang mga motorcycle taxi.

Irerekomenda ng MMDA sa technical working group (TWG) na humahawak sa motorcycle taxi pilot study na hindi na padaanin ang  mga motorcycle taxi sa C-1 hanggang C-6 Roads at R-1 hanggang R-10 Roads kung saan kabilang ang EDSA, Commonwealth Avenue sa Quezon City at Roxas Boulevard sa Maynila.

Nilinaw ni Garcia na ang mga motorcycle taxi lang ang pagbabawalan nila. Ang mga pribadong motorcycle rider ay papayagan pa ring dumaan sa mga pangunahing kalsada.

Imahe mula sa UNTV

May rekomendasyon naman ang TWG upang maiwasan ang aksidente sa mga motorcycle taxi.

Ayon kay TWG head Antonio Gardiola Jr., pinag-iisipan nilang pagsuotin ang mga pasahero ng elbow at knee cap bilang dagdag-proteksyon kapag bumibiyahe sakay ng motorcycle taxi.

Pinaalalahanan din niya ang mga pasahero na kumapit sa “grip belts” na suot ng mga riders sa likod ng kanilang beywang. Mas delikado kung ang kinakapitan ay ang likod ng motorsiklo  dahil nagkakaroon umano ng “imbalance” kapag tumatakbo na ito.

Ang motorcycle taxi pilot study ay matatapos sa buwan ng Marso.

Imahe mula sa Bilyonaryo

Loading…