Mga nais magpatalsik kay Pang. Duterte hindi raw magtatagumpay, ayon kay Panelo

Imahe mula sa PCOO
  • Hindi raw magiging matagumpay ang mga panawagan upang magbitiw sa puwesto si Pang. Rodrigo Duterte, ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo
  • Ito raw ay dahil ‘nilangaw’ ang rally ng anti-Duterte groups sa People Power Monument
  • Dagdag pa ni Panelo, maaari nilang subukang patalsikin ang pangulo ngunit hindi raw sila magtatagumpay

Naniniwala raw si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na wishful thinking lamang ang mga planong pagpapatalsik kay Pang. Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa PNA

Ito ay matapos umanong “langawin” ang anti-Duterte rally na ginanap sa People Power Monument noong Sabado. “Wala pang 100 yata ang dumating. Yun ang sinasabi ko. Pipe dream lang yun. It’s a wishful thinking. Iyan ang statement we have to make. Wala yun,” sabi ni Panelo, ayon sa PNA.

Binubuo ng mga miyembro ng Oust Duterte Movement, Kilusan Kontra China, Bunyog, at Confederation against Federalism ang mga nag-rally habang hawak ang mga placard na nagsasabing “Duterte, resign now!”

Ayon sa Philippine Star, sinabi ng mga organizer na umabot sa 400 ang dumalo sa rally ngunit ang estimate ng Quezon City Police District ay 100 katao lamang ang dumalo rito.

“They can always try. Wala. Hanggang doon na lang sila,” sabi pa ni Panelo.

Imahe mula sa PCOO

Naganap ang mga rally na nagtatawag  sa pabibitiw sa puwesto ni Pang. Duterte ilang araw bago ang anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution na nagpatalsik noon kay dating Pang. Ferdinand Marcos.

Ayon sa PNA, sinabi raw ni communist founder Jose Maria Sison na may tangka ang ilang opisyal mula sa Armed Forces of the Philippines na magsagawa ng kudeta laban kay Pang. Duterte dahil sa pagpapaalis ng Visiting Forces Agreement.

Dagdag pa ni Sison, ang mga nasa likod umano ng planong ito ay mga asset ng US Defense Intelligence at Central Intelligence Agency, ngunit itinanggi ito ni AFP chief of staff Gen. Filemon Santos, Jr.

Loading…