Mga nasa likod ng pagpapasiklab ng mga lobo ng isang vendor, pananagutin ng Lungsod ng Maynila

Imahe mula sa Facebook | Alessandra Trinidad at MPIO
  • Iniharap kay Manila Mayor Isko Moreno ang lima sa pitong kabataan na nasa likod ng panunun0g sa mga lobo ng isang tindero sa Pandacan
  • Naging sanhi ito upang magtamo ng lapnos sa katawan ang lalaking si Oliver Rosales
  • Babala ni Mayor Moreno, maaaring maharap sa kas0 ang mga nasasangkot

Pananagutin daw ng Lungsod ng Maynila ang mga kabataan sa likod ng panunun0g ng mga lobo ng isang nagpapahingang tindero sa Pandacan.

Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube

May takip ang mga mukha, iniharap kay Manila Mayor Isko Moreno ang lima sa pitong mga kabataan na sangkot sa insidente na naging dahilan upang magkaroon ng matinding lapnos sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Oliver Rosales.

Sumuko raw ang mga ito sa Barangay 826 Zone 89. Napag-alamang lima sa kanila ang mga menor de edad. Sa kabila nito, binalaan ni Moreno ang mga magulang nila, gayundin ang mga nasa tamang gulang na na maaari silang humarap sa mga kas0ng sibil at kriminal.

Maaari raw nilang kaharapin ang Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na naglalayong maparusahan ang sinumang nag-utos o nang-impluwensya sa isang bata na gumawa ng krimen.

Maaari rin daw silang mapanag0t sa ilalim ng Article 155 Revised Penal Code o Alarms and Scandal.

“As the father of the city, siyempre gusto ko hangga’t maaari, e magkalinawagan, magkaintindihan. Kung kailan at kung saan may pananagutan, papanagutin—maaaring sibil, maaaring criminal,” sabi ni Mayor Moreno.

Imahe mula sa Facebook | Alessandra Trinidad

Una nang nakipag-areglo si Rosales sa halagang P35,000 ngunit marami ang nagpahayag ng suporta para sa kaniya, kabilang na ang brodkaster na si Raffy Tulfo kaya naman nagbago ang isip ni Rosales.

“Noong February 14, may salaysay na yung biktima na siya raw ay magfa-file ng kas0 sa mga menor de edad na ito,” sabi ni Moreno. “Sila ay may kakaharaping kas0 dahil iyan ang huling nilagdaan ng biktima. May imbestigasyon at ihaharap sila sa piskalya.”

Samantala, nakiusap sa publiko si Moreno na huwag pairalin ang galit at magtiwala na lamang sa pamahalaang lungsod at sa tamang proseso ng paglilitis.

“Mga kababayan, nauunawaan ko ang damdamin ninyo. Talagang nakapanggigigil… pero hangga’t maaari, nananawagan ako sa inyo, huwag n’yong pagbuhatan ng kamay, ‘pagkat hindi maitatama ng isang mali ang isa pang pagkakamali,” saad niya.

“Huwag nating ilalagay sa ating kamay ang hustisyang ninanais natin. May pamamaraan d’yan, at legal. Patuloy tayong maniwala na may pamahalaang lungsod ng Maynila na tutugon sa ganitong mga sitwasyon.”

Loading…