Mga nasagip na kabayo sa Taal, kailangan ng adopsiyon, permanenteng tirahan – PAWS

  • Bukod sa pagsagip sa mga aso at pusa, nakatutok din ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa mga kabayong naapektuhan ng pagputok ng Bulkang  Taal noong Enero
  • Apatnapung kabayo ang nangangailangan ng mga bagong tahanan at mag-aaruga sa kanila
  • Kailangang makahanap ang PAWS ng bagong tirahan para sa mga kabayo bago matapos ang Pebrero

Unti-unti nang nakababangon ang mga mamamayan na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero. Dumagsa ang maraming tulong. Gayunman, may mga hayop pa rin ang nangangailangan ng tulong, partikular ang 44 kabayo na nasagip ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS).

Ayon sa ulat ng Inquirer, sinabi ni Anna Cabrera, executive director ng PAWS, na may mga ulat silang natanggap noon na ipinagbibili ng mga may-ari ang kanilang kabayo.

Imahe mula sa Facebook page ng Philippine Animal Welfare Society

Dahil sa malasakit, naisip ng PAWS na bilhin na lamang ang mga kabayo sa makatarungang halaga kaysa humantong pa sa panahong kailangan nang katayin at pagkakitaan ang kabayo oras na bumuti na ang kalagayan ng mga ito.

Nakipagtulungan din ang PAWS sa Department of Agriculture (DA) sa Lipa, Batangas para sa maayos na transaksiyon.

Matapos maayos ang mga papeles, ito naman ang panahon para maghanap ang PAWS ng mga taong gustong bigyan ng bagong tahanan at pagmamahal ang mga nailigtas nilang kabayo.

Natuwa naman ang PAWS dahil ramdaman nila ang simpatiya at pagnanais ng mga tao na tulungan ang mga kabayo. May mga artista ring nagtatanong tungkol sa proseso ng adopsiyon.

Gayunman, nilinaw ng PAWS na mas hangad nila na ang mga kabayo ay mapunta sa mga taong may sariling bukirin kung saan maaaring manatili ang mga kabayo.

Masalimuot ang ginagawang pagtulong ng PAWS sa mga apektadong hayop. Gayunman, walang katumbas ang kanilang kaligayahan sa pagsagip sa mga ito.

Imahe mula sa Facebook page ng Philippine Animal Welfare Society

“God knows how much they’ve worked all their lives. If you watched vlogger and PAWS volunteer Bani Logrono’s documentary on the horses of Taal, you’d see how hard they worked and how badly they were treated,” paliwanag pa ni Cabrera.

Ang mga kabayo na nasagip ng PAWS ay binigyan muna ng temporary shelter ng DA sa Lipa, Batangas ngunit hanggang katapusan na lamang ito ng Pebrero. Kailangan ng PAWS na mahanapan agad ng mga permanenteng tahanan ang mga kabayo.

Source :

Inquirer

Loading…