Mga opisyal ng Bureau of Immigration sa NAIA sinibak dahil sa “Pastillas” bribery scheme

  • Sinibak sa puwesto ang ilang immigration officials kaugnay ng “pastillas” bribery scheme
  • Ang anomalya ay ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros sa isang Senate hearing
  • Ang mga tiwaling immigration officials ay tumatanggap ng suhol mula sa bawat Chinese national na dumarating sa NAIA upang maging madali ang pagpasok nila sa bansa

Ilang immigration officials na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang inalis sa puwesto matapos ang rebelasyon ni Senator Risa Hontiveros tungkol sa bribery scheme na tinawag na “pastillas.”

Imahe mula sa Bureau of Immigration

“The NAIA terminal heads and the chief of the travel control and enforcement unit were relieved of duty upon orders of Immigration Commissioner Jaime Morente pending the results of the investigation,” pahayag ng tagapagsalita ng Bureau of Immigration (BI) na si Dana Sandoval.

Tinanggal sa puwesto ang mga BI officials na hindi pinangalanan dahil umano sa command responsibility.

Nilinaw ni Sandoval na hindi nakatuon sa mga nasibak na opisyal ang imbestigasyon sa “pastillas” scheme dahil ang tinitingnan ng ahensya ay kung paano ginagawa ang raket.

“They are not necessarily the center of the investigation. The management is looking at the bigger picture, all that might be connected to this alleged scheme, whether internal or external,” ani Sandoval.

Isang impormante mula sa BI ang nagbigay ng video bilang ebidensya kay Senator Hontiveros na nagsagawa ng isang pagdinig hinggil sa anomalya.

Imahe mula kay Sen. Risa Hontiveros

Batay sa senador, ang mga immigration officials ay tumatanggap ng suhol na nagkakahalaga ng P10,000 bawat Chinese national na dumarating sa NAIA upang maging madali ang pagpasok nila sa bansa.

“Tinanong ko bakit pastillas ang tawag. Dati daw kasi, wala pang mga sobre so nilalagay (ang perang suhol) sa bond paper at niro-rolyo na parang pastillas. Ngayon, mas professional na, may sobre parang legit na pasuweldo, may bonus ‘pag perfect attendance, at may pa-lunch pa mula sa mga Chinese,” pagbubunyag ng senadora.

Hiniling na ni BI Commissioner Jaime Morente sa Department of Justice at sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang anomalyang ginagawa ng mga immigration officers sa mga paliparan.

Loading…