Mga tuta at kuting na natutulog sa ‘paanan’ ng isang electric fan, nagpalaganap ng cuteness sa social media

  • Maraming netizens ang na-good vibes sa mga tuta at pusa na nakahiga sa butas sa stand ng electric fan
  • Animo’y kama nila ang mga espasyo sa paanan ng bentilador at relax silang nakahiga sa mga ito
  • Agad na nag-trending sa social media ang larawan ng mga alagang ito dahil sa kanilang ka-cute-tan

Patuloy na pinamamangha ng mga alagang aso ang mga netizens dahil sa mga larawang kuha ng kani-kanilang mga amo. Kamakailan ay nag-trending ang isang aso na animo’y isang malditang babae na kinukuhanan ng larawan dahil sa pose nito.

Ngayon naman, trending na rin sa social media ang mga tuta na tila enjoy na enjoy sa kanilang pagkakahiga at pamamahinga sa paanan o stand ng isang electric fan.

In-upload ng Facebook page na Selfie Muna Bago ang orihinal na larawang kuha ni Patrice Ramos kung saan makikita ang mga trending na tuta.

Larawan mula kay Patrice Ramos via Selfie muna Bago page

Limang tuta ang sarap na sarap sa pagkakahiga sa buta sa paanan ng isang bentilador. Bawat tuta ay kasyang-kasya sa mga butas na naging dahilan upang maging komportable ang kanilang pagtulog. Ayon sa uploader, dahil daw sa kanyang mga alaga ay nalaman nila ang purpose ng mga butas sa stand ng electric fan.

“Alam n’yo na ano gamit nito? Lagayan po ‘yan ng tuta,” sabi ng caption ng Selfie Muna Bago Facebook page. Agad ring nag-viral sa social media ang post. Habang isinusulat ang balitang ito ay mayroon nang higit 4,400 reactions, 500 comments, at 4,700 shares ang larawan.

Maraming netizens ang na-good vibes sa larawan. Naghatid sa kanila ng ngiti ang mga tuta na sarap na sarap sa pagkakatulog sa stand ng electric fan na akala mo ay nasa sarili nilang kama. Cute na cute daw tignan ang mga tuta ayon sa ibang social media users.

Sabi naman ng isang netizen, nag-aalala lang siya kapag lumaki na ang mga tuta. Hindi na raw kasi ito kakasya sa butas kaya hindi magiging komportable ang kanilang higa sa kanilang naging ‘instant kama.’ Napansin naman ng ilan ang naiwang tuta at naubusan ng space sa stand ng bentilador.

Larawan mula kay Charles Villaranda Jr

Dahil sa post, marami din ang nagpadala ng larawan ng kani-kanilang mga alaga. Ang iba, hindi mapahiga ang kanilang aso sa katulad na bentilador habang ang iba naman ay hindi mapakali ang alaga at kung saan-saang bahagi raw ng kanilang bahay natutulog.

May isa namang netizen na nagbahagi ng larawan ng kanyang mga alagang pusa. Katulad ng mga tuta sa larawan, ang mga pusa ni Charles Villaranda Jr. ay prenteng-prente rin ang pagkakahiga sa butas sa stand ng kanilang electric fan.

Loading…