Mga upuan ng bus na sasakyan ng mga uuwing Pinoy galing sa Wuhan binalutan ng plastic

  • Mga upuan ng tatlong bus na susundo sa mga Pilipinong uuwi mula sa China binalutan ng plastic
  • May harang na plastic din sa pagitan ng bus driver at mga pasahero
  • Didiretso sa quarantine site ang nasa 45 Pinoy galing sa Wuhan na inaasahang darating sa bansa sa Linggo ng umaga, ika-9 ng Pebrero

Nababalutan ng plastic ang mga upuan ng tatlong bus na sasakyan ng mga Pilipinong uuwi mula sa Wuhan City sa China na magdadala sa kanila sa New Clark City sa Tarlac pagdating nila sa Clark International Airport.

Screenshot mula sa GMA video

Hinarangan din ng plastic ang bahaging unahan ng bus kung saan naroon ang driver upang mahiwalay siya sa mga pasahero.

Ayon sa isang driver, hindi naman sila natatakot na mahawahan ng nCoV dahil bukod sa bibigyan naman sila ng protective equipment ay nais daw nilang makatulong.

“Hindi kami natatakot. Walang kakaba-kaba na mahawaan kami ng sakit na iyan. Ready kami dito. Gusto naming tumulong po. Sa aming mga Kapampangan, tulung-tulong po tayo para sa mga kababayan natin,” sabi ng driver na si Eddie Dizon.

Ang mga bus na pag-aari ng Provincial government ng Pampanga ay dumating na sa paliparan upang hintayin ang mga Pinoy na inaasahang darating Linggo ng umaga, ika-9 ng Pebrero.

Nasa 45 ang bilang nga mga Pinoy na boluntaryong uuwi sa bansa mula Wuhan, ang epicenter ng novel coronavirus (nCoV). Pagdating sa Clark International Airport ay idididetso sila sa New Clark City kung saan sila isasailalim sa 14-day quarantine.

Screenshot mula sa GMA video

Ang mga uuwi na makikitaan ng sintomas ng nCoV ay agad dadalhin sa mga nakahandang ospital para sa mga pasyenteng kinapitan ng virus.

May escort na pulis ang mga bus patungo sa quarantine site. May makakasama rin silang mga tauhan ng Department of Health (DOH).

“From here, diretso na ng NCC. Mayroon kaming mga guide na pulis at taga-DOH. Convoy-convoy na,” ayon sa isa pang driver na nakilalang si Eugene Medriano.

Samantala, ang mga tauhan ng Department of Foreign Affairs at DOH ay nagsagawa sa Clark International Airport ng isang simulation exercise para sa pagdating ng mga Pinoy mula sa China.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…