Naranasan mo na ba? Babaeng nagluluto sa ulingang kalan habang umuulan, nagbalik ng alaala sa ilan

  • Trending sa social media ang isang larawan na tungkol sa simpleng pamumuhay sa mga lalawigan noon
  • Kita kasi sa larawan ang pagluluto ng isang babae sa isang ulingang kalan habang umuulan
  • Maraming netizens ang nagbalik-tanaw sa kanilang karanasan sa pagluluto sa nasabing katulad na kalan

Masarap at masaya ang simpleng buhay sa lalawigan. Kapag nasa probinsya ka, sariwa ang hangin at magaganda ang tanawin. Ang mga bungang kahoy din sa paligid ay maaari mo na lang pitasin at mayroon ka nang instant pagkain.

Isa rin sa mga tatak ng pamumuhay sa probinsya ay pagluluto sa ulingan o gamit lamang ang mga sinigaang kahoy. Dahil bibihira noon sa mga lalawigan ang mayroong kalang de gaas, marami ang umaasa sa biyaya ng kalikasan upang lutuin ang paborito nilang pagkain.

Larawan mula sa Facebook page na Buhay Mahirap

Kaya naman nagbalik sa alaala ng maraming netizens ang larawang ibinahagi ng page na Buhay Mahirap.  Ipinakikita kasi nito ang isang babaeng nagluluto sa ulingang kalan habang nakapayong dahil sa malakas na ulan.

Naka-relate ang maraming netizens sa karanasan ng babae sa larawan. Ayon sa kanila, ang ganitong eksena ang malaking bahagi ng kanilang simpleng pamumuhay noon. Dahil na rin daw sa kakapusan, tiniis nila ang pagluluto sa ganitong uri ng kalan dahil mas mura ito at hindi na kailangan ng aparato.

Agad na nag-viral sa social media ang post na ito ng nasabing Facebook page. Umabot lang naman sa 17,000 reactions, 2,500 comments, at 23,000 shares ang post. Nagbahagi rin ang mga netizens ng kanilang naging alaala mula sa larawan.

Marami ang nagbahagi na ang suliranin daw nila noon kapag umuulan at kailangang magluto ang kanilang naging motibasyon upang iahon ang kanilang kapalaran. Bata man daw o matanda noon sa probinsya ay kailangang magtiis sa kalang de uling. Kaya naman ginagawa raw nila ang lahat ngayon upang hindi na maranasan ng kanilang mga anak ang ganitong sitwasyon.

Larawan mula sa Pexels

“Naranasan ko iyan dati! Kaya ngayon ginagawa ko lahat para di maranasan ng mga anak ko yung naranasan kong hirap,” pahayag ng isang netizen.

May ilan namang masayang ikinuwento na mula sa pagluluto gamit ang panggatong, ngayon daw ay nakapagundar na sila ng sariling kalan na de kuryente at LPG operated. Basta raw may pagsusumikap at ambisyon, hindi malabong magbago ang kapalaran ng bawat isa.

Loading…