Netizen ipinagmalaki ang inang patuloy na nag-aaral sa SHS kahit 64-anyos na

  • Hinangaan sa social media ang ginang na pinagpapatuloy ang kaniyang pag-aaral sa senior high school sa kabila ng edad na 64-anyos
  • Sa post ni Gesa Ortega, sinabi nito kung gaano siya ka-proud para sa kaniyang ina at sa dedikasiyon na ipinapakita nito sa pag-aaral
  • Nais ng netizen na maging inspirasyon ng lahat ang kaniyang ina upang hindi matakot na bumalik sa pag-aaral

Labis na ipinagmalaki ng isang netizen ang kaniyang ina sa social media dahil sa ipinamamalas nitong sipag at dedikasiyon sa pag-aaral kahit ito ay nasa edad 64-anyos na.

Imahe mula kay Gesa Ortega | Facebook

Sa post ni Gesa Ortega sa Facebook noong February 12, ibinahagi niya ang larawan ng kaniyang ina na makikitang matiyagang nag-aaral sa loob ng kanilang tahanan.

Ayon sa netizen, 64 taong-gulang na ang kaniyang ina na estudyante ngayon sa Bayawan Senior High School Night Class sa Negros Oriental.

“Education knows no age,” sabi ni Gesa sa unang bahagi ng kaniyang Facebook post.

“Seeing my mom doing her assignment, seryoso talaga siya, very dedicated to learn. Minsan pa nga ay nadadamay pa ako sa mga assignment niya,” dagdag na sabi nito sa pinaghalong lenggwaheng Ingles, Filipino, at Ilonggo.

Ipinahayag ng netizen ang kaniyang pagkaproud sa ina na makikitang seryoso sa paggawa ng takdang-aralin nang makunan niya ng larawan.

Nakikita umano ni Gesa ang excitement ng kaniyang magulang sa tuwing mapag-uusapan ang kanilang napag-aralan sa klase at mga bago nitong natutunan kasama ang ibang mga kamag-aral.

“Sobrang excited niyang magkuwento tungkol sa kanilang naging klase. Nakikita talaga namin kung gaano siya ka-happy. Being in school and experience the life of a student really keeps her going,” sabi ng netizen sa post.

Imahe mula kay Gesa Ortega | Facebook

Maliban rito, sinabi ni Gesa na kaya niya ibinahagi ang kuwento ng kaniyang ina ay upang maging inspirasyon ito ng lahat na nais bumalik sa pag-aaral, kahit pa maraming balakid na dumaan.

Marami naman ang humanga sa ina ng netizen na hindi natakot sa sasabihin ng iba at ipinagpapatuloy ang pag-aaral sa kabila ng kaniyang  edad.

Source :

Facebook

Loading…